Paraan ng pag-compute ng SSS maternity benefit, alamin!
- BULGAR
- Jul 21, 2019
- 3 min read
Dear SSS,
Magandang araw! Maaari ba ninyong talakayin kung paano kino-compute ang SSS maternity benefit, nais ko rin malaman kung magkano ang benefit na maaaring makuha? Maraming salamat! — Sienna ng Caloocan City
Sagot
Para sa inyong katanungan, ang SSS maternity benefit ay cash allowance na ibinabayad sa babaeng miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa panganganak. Sa ilalim ng Republic Act 11210 o 105-day Expanded Maternity Leave Law, 105 araw na bayad na maternity leave ang ibinibigay sa nanganak maging ito man ay normal o caesarian delivery. Samantala, binibigyan naman ng 60 araw na bayad na maternity leave ang kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy. Ang bilang na ito ng araw ng maternity leave ay isa sa batayan sa pagkuwenta ng halaga ng maternity benefit.
Una, dapat alamin ang semester ng panganganak. Ito ay binubuo ng dalawang magkasunod na quarter (tatlong buwan) at nagtatapos sa quarter kung saan nakapaloob ang buwan ng panganganak. Kapag alam na ang semester ng panganganak, tingnan ang 12-month period matapos ang semester at alamin kung may hindi bababa sa tatlong hulog ang miyembro. Kung mayroong hindi bababa sa tatlong hulog sa loob ng 12-month period na ito, qualified siya sa benepisyo sa panganganak.
Sunod, aalamin ang average daily salary credit. Kinukuwenta ang average daily salary credit sa pamamagitan ng pagpili ng anim na pinakamataas na monthly salary credit sa loob ng 12-month period. Kunin ang kabuuang halaga ng anim na MSC na ito at i-divide sa 180 (constant divisor). Anumang halaga na makuwenta ay ang average daily salary credit.
Panghuli, i-multiply ang average daily salary credit sa 105 kung normal o caesarian delivery o kaya sa 60 kung nakunan o emergency termination of pregnancy upang makuha kung magkano ang maternity benefit na matatanggap.
Halimbawa, kung ang babaeng miyembro na manganganak sa Enero 2020 at sumusuweldo ng P20, 000 kada buwan. Ang semester of contingency niya ay mula Oktubre 2019 hanggang Marso 2020 kaya ang 12-month period niya ay mula Oktubre 2018 hanggang Setyembre 2019. Dito pipiliin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit. Ipagpalagay natin na P20, 000 ang suweldo niya kada buwan sa loob 12-month period. Kukunin natin ang total ng anim na napiling MSC at makukuha natin ang 120,000 tapos idi-divide ang 120,000 sa 180. Ang lalabas na average daily salary credit ay P666.67. Ang P666.67 ay imu-multiply sa 105 kung normal o caesarian delivery at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P70, 000 subalit, kung nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy, imu-multiply ang P666.67 sa 60 at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P40,000.
Dapat tiyakin ng miyembro na updated ang kanyang kontribusyon sa SSS upang maging kuwalipikado sa maternity benefit.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
◘◘◘
Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Samantala, ang Contributions Condonation Penalty Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Setyembre 2019 lamang. Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga delingkuwenteng employer na bayaran ang mga hindi nabayarang kontribusyon ng kanilang mga empleyado nang walang multa.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL
Comments