NAMBATAC NG PANALO SA PAINTERS, ROS, NAKAUNA SA GAME 1 Q’FINALS


ISINALPAK ni Rey Nambatac ang panelyong tres upang akbayan ang Rain or Shine Elasto Painters sa 83-80 panalo sa Game 1, best-of-three quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City kontra Blackwater Elite.
Tabla ang iskor sa 80-all, tumawag ng timeout si Elasto Painters head coach Caloy Garcia upang idisenyo ang play para kay Nambatac na nagtala ng 13 points at anim na rebounds. Nakalamang ang Elasto Painters ng 11 points sa unang dalawang periods, 50-39, pero nalusaw ito sa third quarter. Humarurot ang Elite ng 22-9 para maagaw ang bentahe, 61-59 papasok ng fourth quarter. Subalit, naging matatag ang RoS sa endgame upang makuha ang importanteng panalo at mamuro sa pagsampa sa susunod na phase.
Samantala, pareho ang puntirya ng top seed TNT KaTropa at No. 2 NorthPort Batang Pier pagharap nila sa magkahiwalay na katunggali sa quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Tangan ng KaTropa at Batang Pier ang twice-to-beat advantage, pero tiyak na mapapalaban sila ng todo sa kanilang makakatunggali.
Katapat ng TNT ang No. 8 Alaska Aces sa alas-4:30 ng hapon, habang toka ng NorthPort ang powerhouse at No. seed 7 San Miguel Beer sa alas-6:45 ng gabi. Sisikapin ng Aces na pigilan ang malupit na import ng KaTropa na si Terrence Jones upang makahirit ng isa pang laro. “Does anybody in the league have a good matchup for Terrence Jones? I don’t think there’s a good matchup for him here,” hayag ni Alaska coach Alex Compton. “He’s incredible,” dagdag pa niya. Kaya naman talagang problema si Jones sa Aces. Para sa Beermen, kakapitan nila sina reinforcement Chris McCullough at five-time Most Valuable Player (MVP) June Mar Fajardo para mapahaba rin ang kanilang buhay. (ATD)





Comments