Imbes batikang ‘speech writer’, ‘movie director’ ang kinukuhang mag-ayos ng SONA, bakeeet?

INAABANGAN ng lahat ang SONA ni P-Digong bukas, Lunes.
Isasatelebisyon ito ni Direk Joyce!
◘◘◘
NAGTATAKA tayo kung bakit direktor ng pelikula ang kinukuha ng Malacañang para sa mahalaga at maselang talumpating pampubliko.
Hindi ba, dapat batikang “speechwriter” ang kunin ng Palasyo?
◘◘◘
KAPAG direktor sa telebisyon ang mag-aayos ng SONA, ang talumpati ay nakapokus sa “entertainment” imbes na sa esensiya ng mensahe.
Ibig sabihin, gusto ng Malacañang ay “mag-enjoy” ang publiko!
◘◘◘
SA totoo lang, hanggang ngayon ay bigo ang media na unawain ang pangulo.
Bilang gabay sa mga mamamahayag, nais nating bigyang-diin na si P-Digong ay hindi “on-the-book president”, bagkus, siya ay may orihinal na estilo sa pagbibigay ng mensahe sa publiko!
◘◘◘
SA panahon ng sinaunang gobyerno, ang mga lider ay binabansagang pinakamahusay na orador.
Ang orador ay bihasang mananalumpati, mahusay sa debate at batikang orador kaya madali niyang makumbinse ang publiko na siya ay suportahan sa panahon ng eleksiyon.
Pero, ang lahat ay binura ng estilo ni P-Digong kaya siya ay nakapagtindig ng orihinal na estilo ng liderato!
◘◘◘
KAKAUNTI ang nakauunawa kay P-Digong, ‘yan ay kabiguan ng media at political analyst na suriin ang estilo ng lideratura sa makabagong henerasyon.
Sa pagtatalumpati ni P-Digong, bukas, tiyak lihis at gasgas na pagsusuri ang ihahayag ng mga political analyst!
◘◘◘
ITO ang bago sa pagsusuri sa SONA ni P-Digong na mapanonood bukas.
Kapag binasa ni P-Digong ang talumpati, tiyak aantukin ang mga makikinig kasama na ang mga mambabatas.
Kapag gumamit ng improntu o adlib si P-Digong, tumatakas siya sa protocol at pormalidad ng SONA!
◘◘◘
ANG estilo ng talumpati ni P-Digong ay pinakatumpak na estilo upang makumbinse niya ang ordinaryong mamamayan.
Sa pamamagitan ng adlib o improntu, napapalapit sa puso ng ordinaryong tao si P-Digong!
◘◘◘
MAHIRAP unawain ang konteksto at mensahe na nais ipahiwatig ni P-Digong kung ang makikinig ay ang mga plastic at pormal na tao.
Pero, ang ordinaryong Pinoy, partikular ang mga “probinsiyano” ay nauunawaan ang mensahe!
◘◘◘
NAIIWANAN sa pansitan ang mga elitista at akademista dahil wala silang kakayahang bumaba o mag-immerse sa kaisipang pangmasa.
Kung tinangka ng ilang pangulo na papasukin sa loob ng Malacañang ang ordinaryong mamamayan, nagawa ni P-Digong na dahil ang “Malacañang” sa puso at kaisipan ng ordinaryong mamamayan, gamit ang kanyang estilo ng pagtatalumpati na tunay na “pangmasa”!





Comments