Ibalik ang GMRC, ibalik ang disiplina sa mga estudyante


Kabataan ang pag-asa ng bayan.
Ito ang pinaniniwalaan ng karamihan pero, nawalan na ng pag-asa ang ilan.
Dahil pataas nang pataas ang bilang ng krimen na kinasasangkutan ng kabataan, marami ang nababahala.
Nang mawala ang Good Manners and Right Conduct (GMRC), dalawang beses kada linggo itinuturo ang Edukasyon sa Pagpapakatao na ipinalit dito.
Hirit ng mga guro, kulang pa ito kaya maraming mag-aaral pa rin ang nagiging pasaway.
Inihihirit sa Kongreso na ibalik ang Senate Bill No. 310 o GMRC Act na layong isama sa K-12 curriculum gamit ang mother tongue o salitang kinasanayan ng bata.
Tumaas umano ang kriminalidad sa bansa mula nang mawala ang GMRC, gayundin, kapansin-pansin umano ang pagiging pasaway, bastos at pagkawalang-disiplina ng mga estudyante.
Marami ang pabor sa pagbabalik ng GMRC bilang subject upang maturuan ng disiplina at kagandahang-asal ang kabataan.
Bagama’t, hindi pa ito naibabalik, hindi tayo dapat umasa lamang sa subject na ito upang maging mabuting mamamayan ang kabataan.
Ang disiplina at magandang asal ay dapat unang matutunan sa tahanan kung saan tayong mga magulang ang responsable rito.





Comments