Implementasyon ng institutionalized student fare discount, bigyang-prayoridad!

NOONG nakaraang taon, naisakatuparan sa bansa ang libreng matrikula sa kolehiyo sa mga pampublikong pamantasan at unibersidad.
Napakalaking kaluwagan nito sa mga mahihirap nating kababayan, pero ang sabi nga natin, mas makagagaan pa ang libreng kolehiyo sa mga pamilyang ito kung maisasabatas na rin ang iba pang mga panukala tulad ng permanenteng implementasyon ng 20 percent fare discount sa mga estudyante.
Kongresman pa lamang tayo noon, isinulong na natin ang batas na ito hanggang sa tayo ay maging senador.
Laking pasasalamat natin sa pangulo sapagkat sa wakas, pinagtibay na niya ang ating panukala at ngayon ay ganap na itong batas sa pamamagitan ng Republic Act 11314.
Sa ilalim ng batas na ito, mananatili at hindi na mababawi pa ang ipinatutupad nating 20 percent student fare discount.
Ang maganda rito, ang implementasyon nito ay magiging all-year round. Ibig sabihin, hindi lang ito ipatutupad sa mga araw ng Lunes hanggang Biyernes dahil maging sa mga araw ng Sabado at Linggo, ibibigay pa rin ang diskuwento.
Isa pa, kahit bakasyon tulad ng summer break, Christmas break at iba pang holidays, iiral pa rin ang 20 percent discount sa mga estudyante.
Ang dapat lang tandaan, kailangang palaging dala ng mag-aaral ang kanyang school ID o maging ang kanyang latest enrollment form dahil ito ang magpapatunay na naka-enroll siya sa paaralan, sa kasalukuyan.
Pero, marami tayong natatanggap na tanong: Kailan daw ito magiging epektibo?
Ito ang pinag-uukulan natin ngayon ng buong atensiyon upang maipatupad ito sa lalong madaling panahon.
Kamakailan, nanawagan tayo sa Ehekutibo na kung maaari, agad nang ipalimbag sa malalaking publikasyon ng diyaryo, gayundin sa Official Gazette ang naturang batas.
Kung hindi ito magagawa sa lalong madaling panahon, hindi rin ito agad maipatutupad at kailangan pang hintayin ang implementing rules and regulations (IRR).
Kawawa naman ang mga estudyante na matagal nang naghihintay.
Kumbaga, handa na ang manibela, pero hindi aandar ang sasakyan kung walang magmamaneho — ‘yan ang nakaatang ngayon sa balikat ng ating executive department.
Uulitin lang natin, sa ilalim ng batas na ito, ang lahat ng uri ng transportasyon ay sakop ng 20 percent student fare discount kabilang ang jeep, bus, taxi, Grab, MRT, LRT at PNR.
Kasama rin sa mga magpapatupad ng fare discount ang mga eroplano at barko subalit, kailangan ding magpalabas ng IRR ang Civil Aeronautics Board para sa air fare discount at ang Maritime Industry Authority (MARINA) naman ang maglalabas ng IRR para sa fare discount sa passenger ships at iba pang sasakyang-pandagat.
Ang mga mag-aaral na bibigyan ng discount ay ang elementary, high school at college students lamang.
Ang mga nagma-masteral at nagdo-doctorate ay hindi kabilang sa sakop ng batas na ito.
Kaugnay ng implementasyon nito, umaasa tayong hindi paghihintayin ng gobyerno nang matagal na panahon ang mga estudyante sa benepisyong ito sapagkat isa ito sa pinakamahalagang batas na magpapagaan sa kanilang pamumuhay at pag-aaral.





Comments