Walang pakialam sa bayan basta sumikat lang | Mga traydor sa hanay ng media, ibasura!
- BULGAR

- Jul 19, 2019
- 2 min read
NAKAKASAWA at nakakainis ang patuloy na pambabatikos ng mga dayuhang media, lalo na mga taga-Amerika at Europa kay Pangulong Rodrigo Duterte na libu-libo raw na mga inosente ang napapatay ng mga pulis sa ‘war on drugs’ ng kasalukuyang administrasyon.
Paulit-ulit na sinasabing mahigit 5,375 daw ang “napapatay” ng mga awtoridad na sangkot sa iligal na droga noong nakaraang tatlong taon, nanlaban daw ang mga ito sa pulis at walang magawa ang mga awtoridad kundi ang magpaputok na rin subalit, ipinagpipilitan ng mga dayuhang media na 30,000 na raw ang napapatay at karamihan nito ay inosente.
Totoong may mga inosenteng napapatay tulad ni Kian Loyd delos Santos ng Caloocan, nadamay lang, pero kaunting insidente lamang ito kung tutuusin.
Hindi maiiwasang mayroong mga lokong pulis o nananakot na magpaputok ng baril kahit hindi lumalaban ang inaaresto, pero kinasuhan ang mga ito ng pamahalaan tulad ng mga pulis na nakapatay kay Kian na natanggal sa serbisyo at nakulong.
Pero, ang tanong, saang digmaan ba walang namamatay na mga inosente? Sa pagdakdak ng mga dayuhan, hindi nila idinidetalye ang mga “napapatay daw na inosente”.
Ang masama, mismong gobyerno ng ibang bansa ang naniwala sa mga kasinungalingang ito kaya nagtagumpay ang Iceland na kumbinsehin ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang mga paratang na ito.
Kahiya-hiya tuloy ang ating bansa, pinalalabas nilang grabe ang patayan sa atin. Tsk!
Alam ng bayan na kasinungalingan ang pinagsasabi ng mga dayuhang media. Sa totoo lang, kahit masakit pakinggan, maraming Pilipino ang hindi nagagalit sa pulis na matinding lumalaban sa ‘war on drugs’ dahil tunay na salot sa lipunan ang mga tulak ng iligal na droga.
Halimbawa, sa lugar na lang namin, maniniwala ba kayong ‘yung magtataho, nadiskubreng nagbebenta ng shabu?
Nawala ang distributor na ito mula nang inilunsad ni Pangulong Duterte ang kanyang giyera kontra iligal na droga.
Sa totoo lang, ang dapat sisihin sa ganitong maling pananaw sa labas ng bansa ay ang kapwa nating Pinoy na mamamahayag na nagkakalat ng ganitong mga kasinungalingan.
Dalawang dilawang media ang matinding gumawa raw nito, ang Philippine Daily Inquirer at ang online news website based na Rappler na pinamumunuan ni Maria Ressa.
Dapat sisihin ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa mga dayuhang media na nag-uulat na grabe raw ang patayan sa ating bansa dahil sa giyera kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte.
Siyempre, ang mga dayuhang media, naniniwala sa kasinungalingang sinasabi mismo ng ilang mga Pinoy na mamamahayag dahil bansa nila mismo ang kanilang tinutukoy.
Hindi tayo makapaniwalang may mga traydor sa bayan sa hanay ng media, walang pakialam sa bayan basta sumikat lang!





Comments