Pulis niratrat ng nakamotor, dedo

ISANG pulis na kilala sa paglaban kontra sa iligal na droga ang namatay matapos pagbabarilin ng hindi kilalang gunman sa Malabon City, Miyerkules ng gabi.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si P/SSgt. Orland Lucky Boy de Leon, ng 10th Avenue, Caloocan City at nakatalaga sa Malabon Police Station Drug Enforcement Team (SDET).
Ayon kina SSgt. Mardelo Osting at Pat. Romaliza Delco, alas-6:11 ng gabi, pauwi na ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang tambangan at pagbabarilin ng nag-iisang gunman sa kahabaan ng Araneta Ave., Bgy. Potrero.
Narinig naman ng mga nagpapatrulyang pulis sa pangunguna ni P/SMSgt. Randy Santiago ang mga putok ng baril na agad rumesponde at hinabol ang tumakas na suspek na sakay ng motorsiklo subalit, hindi na ito naabutan.
Ipinag-utos na ni Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao ang follow-up operation para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.





Comments