top of page
Pokwang.jpg

Proseso para sa PDRMU ng PCUP, alamin!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 19, 2019
2 min read

KARANIWAN sa mga problemang dulot ng demolisyon ay kawalan ng hanapbuhay sa mga biktima. Kaya naman, sinisikap ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na matugunan ang ganitong klase ng suliranin, lalung-lalo na sa resettlement sites.

Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Ako ay taga-Pandi, Bulacan. Nangangamba ako dahil ire-relocate raw kami at alam kong panigura­dong maaapektuhan nito ang hanapbuhay ng pamilya ko dahil kilala na kami ng asawa ko sa aming lugar na nagbebenta ng kakanin kung saan marami kaming suki rito kaya kung maililipat kami ng pamilya ko, baka mawalan kami ng kabuhayan at panggastos sa pang-araw-araw naming pangangailangan. Maaari n’yo ba kaming tulungan sa aming sitwasyon? Maraming salamat! — Esteban

Sagot

Huwag kayong mag-alala, Mang Esteban, kung kayo ay maililipat sa resettlement site, mayroon kayong nakatalagang Resettlement Coordinators na maaari nating lapitan tungkol sa ganitong klaseng isyu at ilalapit kayo sa Project Development and Resource Mobilization Unit (PDRMU) para tulungan kayo na magkaroon ng negosyo sa ating lugar.

Sa tulong ng PDRMU ng PCUP, maaari kayong bumuo ng samahan sa inyong pupuntahang relocation site para makapagsimula ng kooperatiba. Bagama’t, mahaba-haba ang proseso, titiyakin ng PCUP na ‘sustainable’ o magiging matatag ang ating itatayong business.

Kailangan lamang natin ay sumulat o magtungo sa PCUP Central Office para humingi ng tulong sa pagtatayo ng negosyo sa inyong lugar. Kung kayo ay medyo malayo sa ating lugar, maaari nating ipaabot sa ating nakatalagang area coordinator.

Matapos nito, tutulungan kayo ng PDRMU na magpa-accredit sa ating ahensiya. Kailangan ito dahil isa ito sa requirements o guidelines ng ating ahensiya. Kapag kayo ay na-accredit na, tutulungan nila kayo sa paggawa ng project proposal para sa business na angkop sa inyong lugar, pagsasa­gawa ng organizational management para sa inyong pagbubuo ng kooperatiba at pagtuturo sa financial management.

Habang isinasaayos ang inyong koop, maaari na rin kayong dumis­kar­te at simulan ang inyong hanapbuhay na kakanin. Kung para naman sa puhu­nan, mayroong ibinibigay na tulong ang DTI sa mga gustong mag-loan.

Kung kayo ay mayroong katanungan, suhestiyon o ihihingi ng tulong, maaari kayong magtungo o sumulat sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City o mag-email sa pcup.media2019@gmail.com o mag-message sa ating Facebook page na @PCUPOfficial.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page