Problema sa trabaho sa ‘Pinas hindi pa rin nasosolusyunan
- Ryan B. Sison
- Jul 19, 2019
- 1 min read

DISMAYADO pa rin ang ilang labor groups sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin natutupad ang hiling nilang magbigay ng proteksiyon sa mga manggagawa kung saan nagsagawa sila ng kilos-protesta para ipahayag ang kanilang nadarama.
Gayunman, sinabi ni Kilusang Mayo Uno (KMU) Vice-Chaiman Lito Ustarez, sa loob ng tatlong taon na nakaupo si Pangulong Rodrigo Duterte, wala pa umanong malawakang pagbabago ang naipatupad para maisaayos ang kapakanan ng mga manggagawa.
Sa katunayan, marami pa ring mga pamilya ang nahihirapang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at nakararanas ng gutom.
Sa ngayon, hindi pa natutupad ng pangulo ang pangako nitong mas mataas na sahod at regularisasyon sa lahat ng mga empleyado at kahit naaprubahan na ang Security of Tenure (SOT), hindi pa rin nito nabigyang-daan para gawing lehitimo ang lahat ng iligal na uri ng kontraktuwalisasyon, gayundin, ang P750 national minimum wage na matagal nang hiling ng karamihan.
Imbes tuloy may masolusyunan sa mga problemang ito, lalo pa yatang lumalala dahil wala tayong nakikitang pagbabago kahit kaunti, kasabay ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Sana, habang may panahon pa, ibigay na ang kahilingan ng mamamayan para sa maunlad na ekonomiya at magandang kinabukasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments