Operasyon kontra-jaywalking, niraraket ng ilang opisyal ng MMDA, tsk-tsk-tsk!

SA patuloy na pag-iikot ni Mayor Isko Moreno sa Lungsod ng Maynila, dumaan siya sa Vitas Slaughterhouse sa Tondo. Ayon kay Mayor Isko, ang Vitas Slaughterhouse ang kauna-unahan at pinakamaayos na slaughterhouse sa Pilipinas, pero kung mapanonood natin ang video sa social media noong dumaan si Mayor Isko, baka hindi na tayo bumili ng karne na galing doon.
Hindi raw ito papasa sa standard ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil walang sewage treatment. Kitang-kita ang marumi at maputik na paligid. Ang nakadidismaya, ang nasabing ‘katayan’ ay walang disiplina dahil sa Ilog-Pasig lamang ito nagtatapon ng kanilang mga basura.
Kaugnay nito, ayon sa ulat, ipinasara na raw ng nakaraang administrasyon ang Vitas Slaughterhouse kaya ang nakapagtataka, bakit mayroong ganitong isyu?
Samantala, nangako naman si Mayor Isko ng rehabilitasyon ng buong Vitas Slaughterhouse. Mayroong panukala kung saan may mga bagong gusaling itatayo rito, malamang, may mga bagong kagamitan para sa ‘katayan’ nang sa gayun, masigurong malinis at ligtas ang mga karne na manggagaling dito.
Isama na rin ang makataong pagkatay ng mga hayop. Nagpahayag na sa susunod na taon, magkakaroon ng ribbon-cutting dito. Naku, mahirap ang mga pangakong ‘yan dahil ilang beses na tayong nakarinig ng “pangako” mula sa mga pulitiko, pero kung magagawa ito ni Mayor Isko, bakit hindi?
◘◘◘
Ipinatigil mismo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang operasyon kontra-jaywalking dahil sa panloloko ng ilan sa kanilang tauhan sa mga nahuhuling lumalabag sa ordinansa.
Nadiskubreng nangongolekta ng multa ang ilang tauhan ng MMDA sa mga lumalabag at binibigyan pa ng pekeng resibo. Kung hindi pa humingi ng clearance sa MMDA, hindi mahuhuli ang raket ng ilang mapagsamantalang opisyales.
Apat na opisyales ang nadiskubre ng MMDA na sangkot sa panloloko, pero hindi pa malinaw kung marami sa tauhan ng anti-jaywalking ang sangkot sa isyung ito.
Walang kalaban-laban ang mga sibilyan sa mga tiwaling awtoridad — maging pulis, sundalo, tauhan ng MMDA o pulitiko man ito.
Sino ang lalapitan ng ordinaryong sibilyan kapag nangailangan ng tulong kung may mga tiwaling naghihintay lang ng mga biktima? Mabuti na lang at nadiskubre ang raket na ito, pero ilan na kaya ang nabiktima ng mga ‘yan? Hindi sapat na matanggal lang sa serbisyo, dapat makulong ang mga ito.





Comments