Nagpapatanda ng hitsura | ‘FaceApp’ DELIKADO!
- V. Reyes
- Jul 19, 2019
- 2 min read

KABADO ang maraming netizens matapos kumalat ang babala tungkol sa paggamit ng photo editing app na FaceApp, na nilikha ng Russia-based developer, mahigit dalawang taon na ang nakararaan.
Muling naging viral matapos gamitin ng milyung-milyong user ng Facebook ang FaceApp dahil sa tinawag na “FaceApp Challenge” ngunit, nabukas din ang argumento tungkol sa seguridad ng paggamit nito.
Sa FaceApp Challenge, babaguhin ang larawan ng user na puwedeng patandain o pabatain.
Kahit ang mga celebrity sa Pilipinas ay pumatok ang nasabing FaceApp dahil naging interesado ang kanilang fans kung ano ang magiging hitsura nila sa pagtanda.
Gayunman, muling naungkat ang usapin tungkol sa walang permisong paggamit ng larawan at impormasyon ng Facebook user lalo na sa mga nasa labas ng Estados Unidos.
Ibinabala ng ilang eksperto ang posibilidad na makuha ng developer ng application ang kabuuan ng mga larawan ng Facebook user.
Sa Amerika, itinulak na ni Senate Minority Leader Chuck Schumer na maimbestigahan ng Federal Trade Commission at Federal Bureau of Investigation ang nasabing app dahil sa pagdududa sa proteksiyon ng data ng mga user nito.
Sinabi naman ni Justin Brookman, director ng privacy and tech policy ng Consumer Reports, na dapat ikabahala ng mga user ng FaceApp ang user agreement nito.
“I would be cautious about uploading sensitive data to this company that does not take privacy very seriously, but also reserves broad rights to do whatever they want with your pictures,” ayon kay Brookman, dating policy director ng Federal Trade Commission’s Office of Technology Research and Investigation.
Batay sa privacy policy ng FaceApp, magagawa ng developer nito ang lahat sa mga larawan na mai-upload sa kanilang server.
“They could turn them into stock photos or advertisements in Russia,” dagdag pa ni Brookman.
Samantala, itinanggi naman ng FaceApp na kanilang kinokolekta ang impormasyon ng kanilang mga user para gamitin sa ibang bagay o ibenta.
Sa isang kalatas ng FaceApp, sinabi nito na 99 porsiyento ng kanilang user ay hindi naka-log in kaya hindi nila nakukuha ang pagkakakilanlan ng user.
Idinagdag pa nito na ang karamihan sa mga larawan ay pumapasok sa remote servers at mayroong tinatayang 48 oras bago mabura.
“We accept requests from users for removing all their data from our servers. Our support team is currently overloaded, but these requests have our priority,” ayon sa kumpanya.





Comments