Kabuwanan na | BUNTIS NA OFW, NAKAPUSLIT SA SAUDI AIRLINES
- June Simon
- Jul 19, 2019
- 1 min read

HINDI naging hadlang ang kabuwanang pagbubuntis ng isang overseas Filipino worker (OFW) para makasakay ng eroplanong pauwi sa Maynila mula sa Saudi Arabia.
Dahil sa abaya dress na ipinatutupad sa mga babae sa naturang bansa, nagsuot at nagawa ni Kaye Joyce Cabonilas na maitago ang kabuwanang pagbubuntis sa personnel ng airline counters ng Saudia Airlines Flight SV862.
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Cabonilas nitong Miyerkules ng hapon kung saan habang nasa himpapawid ang eroplano ay nakaramdam ito ng abdominal pain.
Ayon kay Dr. Patria C. Pacquing ng Manila International Airport Authority (MIAA), nang magtungo ang airport medical team sa arrival Gate 11 at makita ang kondisyon ni Cabonilas, halos manganak na ito sa kanyang unang pagbubuntis.
Dinala ng medical team si Cabonilas sa San Juan De Dios Hospital sa Pasay City kung saan ito nanganak.
Base sa airline companies, hindi nila pinahihintulutang lumipad ang may walong buwang buntis habang ang World Health Organization ay nagpayo na huwag nang tumuloy ang mga buntis na malapit nang manganak o apat na linggo bago ang inaasahang petsa ng panganganak.
Ayon sa airport source, hindi nagawang ma-profile ng airline personnel sa airline counters sa Middle East dahil karamihan sa kanila ay nakasuot ng abaya dress.
Habang ang airline companies ay may kanya-kanyang polisiya sa travel at pregnancy, hinihingan naman ng airlines na magbigay ng certificate mula sa doktor o midwife ang mga pasaherong buntis na isinasaad kung kailan ang petsa ng panganganak.





Comments