TOP STANDINGS, PAKAY NG FOTON, CARGO MOVERS, ‘DI PATITIBAG


MAGPAPATATAG sa tuktok ng standings ang Foton Tornadoes sa pakikipagharap nito sa sadsad nang PLDT Home Fibr sa Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Sisimulan ang aksiyon ng 7 p.m. makaraan ang bakbakan sa pagitan ng Petron at Cignal sa 4:15 p.m. second game ng eksplosibong triple-header sa prestihiyosong women’s club tourney.
Samantala, sisikapin ng F2 Logistics na manatiling walang talo sa pakikipagsagupa sa mabagal na Sta. Lucia sa unang laban ng 2 p.m. Makaraang pumoste ng come-from-behind 18-25, 21-25, 25-18, 25-15, 15-4 win laban sa Sta. Lucia noong Martes ng gabi, target ng Tornadoes ang fifth straight win para sa solo third spot sa likod ng powerhouse F2 Logistics (7-0) at Petron (7-1).
Pinangunahan nina Jaja Santiago at Dindin Manabat ang atake lalo na sa 5th set, kung saan sinamantala ng Tornadoes ang mabagal na depensa ng Lady Realtors at kawalan ng karanasan sa down-the-wire matches. Tumingkad din ang laro sa Foton nina Shaya Adorador, Elaine Kasilag, Maika Ortiz, Jen Reyes, Gyzelle Sy at Marian Buitre, na may tig-15 puntos.
Sa kabila ng kanilang impresibong laro, nais ni Foton coach Aaron Velez na manatiling gutom ang kanyang team sa torneo. “We still have to double and triple our effort. It really shows how vulnerable our team was during the game so we really have to reflect and assess,” ani Velez, na pipiliting gabayan ang Tornadoes para sa ikatlong PSL title.
Sa kabilang banda, umaasa rin ang PLDT na tapusin ang apat na pagkatalo. Aasahan ni Power Hitters coach Roger Gorayeb sina Grethcel Soltones, Gen Casugod, Aiko Urdas, Jerrili Malabanan, Jasmine Nabor at Lizlee Pantone para makapasok sila sa 2nd round campaign. (VA / MC)
Team Standings: F2 Logistics 7-0; Petron 7-1 Generika-Ayala 5-3; Foton 5-3; Cignal 3-4; PLDT 2-5; Sta. Lucia 1-7; Marinerang Pilipina 0-7





Comments