Hindi pagtaas ng tubig sa mga dam ngayong tag-ulan, ipinagtataka ng taumbayan!

BAGAMA’T, tag-ulan na, nababawasan pa rin umano ang antas ng tubig sa Angat Dam sa nakalipas na 24-oras na ipinagtataka ng karamihan.
Gayunman, ayon sa datos ng PAGASA Hydrology, nasa 158.38 meters ang water level ng Angat Dam at mas mababa pa ito kumpara sa 158.69 meters noong mga nakaraang araw.
Nabawasan din ang water level sa La Mesa Dam na ngayon ay nasa 72.53 meters at ang Ipo Dam na ngayon ay nasa 99.35 meters na lamang.
Nadagdagan nang bahagya ang water level ng Ambuklao, samantalang, walang pagbabago sa antas ng tubig sa San Roque Dam.
Ang iba pang dam sa Luzon ay pawang nabawasan din ang water level.
Samantala, dahil sa sobrang init ng panahon na ating naranasan noong mga nakaraang buwan, marahil, hindi pa rin sapat ang mga pag-ulan ngayon para ito ay maibalik sa dati niyang antas.
‘Yun nga lang, sobrang pahirap ito dahil pangunahing pangangailangan ang tubig na nagagamit natin sa maraming bagay.
Dagdag pa rito, nagkakaroon man ng tubig ay manilaw-nilaw ang kulay nito na hindi mo rin gugustuhing gamiting pangsepilyo at panligo.
Kaya ngayong nakararanas tayo ng krisis sa tubig, hiling natin na matapos na ito, gayundin, magsilbing-aral na sana ito sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments