Paglilinis sa Lungsod ng Maynila, ‘wag sanang mahaluan ng politika
- BULGAR

- Jul 17, 2019
- 2 min read
PATULOY na laman ng mga balita si Mayor Isko Moreno at ang kanyang paglilinis sa Lungsod ng Maynila. Ngayon, ang Lagusnilad ang pinakabagong nakatanggap ng paglilinis. Tinanggal ang mga tindahan at kinuskos ang lugar kung saan makikita ang pamumuti ng tiles nito.
Hindi pa alam kung aayusin ng lokal na pamahalaan ang nasabing lugar, pero hindi tayo magtataka kung magagawa ito ni Mayor Isko.
Marahil, tulad ng marami, nagtataka tayo kung bakit hindi ito nagawa ng mga nakaraang lokal na administrasyon. Gaano ba kahirap maglinis ng lugar na ipinakikita ngayon ni Mayor Isko? Magagawa naman palang linisin kung gugustuhin.
Lahat tayo, gusto ng malinis na lugar, lugar na may makasaysayang kabuluhan. Walang sinuman ang may gusto ng lugar na katatakutan ng mga turista. Maraming umaasang maipagpapatuloy ni Mayor Isko ang paglilinis ng Maynila. Sana, hindi siya maligaw ng landas at makain ng masamang sistema ng politika.
◘◘◘
Wala pa rin daw perang pumapasok galing China para sa pinaplanong Mindanao Railway Project kaya Pilipinas muna raw ang magpopondo sa proyekto na inaprubahan ng NEDA. Ayon sa pahayag noong Lunes, nasa P82.9 bilyon ang halaga nito ngayon mula sa P35.9 bilyon.
Nag-iba raw o halos nadoble ang halaga para gawin ang tren, pero wala pa raw opisyal na pag-endorso ang Pilipinas at China para sa pondong uutangin.
Sa totoo lang, maganda ang mga proyektong ito kung matutuloy. May iba pang mga proyektong riles sa bansa na popondohan o gagawin ng China. Huwag sanang matulad sa naunsiyaming northrail noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Huwag din sanang matulad sa ZTE-NBN kung saan naisiwalat ang malaking “tubo” kung natupad ito noong administrasyon pa rin ni ex-P-GMA.
Hindi natin sinasabing may isyu, sana, huwag matulad sa ZTE-NBN kung saan hindi rin natuloy ang proyekto dahil sa korupsiyon.





Comments