top of page

Mga dahilan ng pamamaga ng lalamunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 17, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Ako ay tatlong taon nang tindera ng isda sa palengke. Hindi naman ako inuubo, pero madalas namamaga ang aking lalamunan. Sa palagay ko, ito ay dahil sa araw-araw kong paggamit ng aking boses kapag nagtitinda sa palengke. Naninigarilyo ako, pero tatlo hanggang limang stick lang kada araw. Posible bang may kaugnayan ang trabaho at bisyo ko sa pamamaga ng aking lalamunan? — Alfred

Sagot Ang namamagang lalamunan ay maaaring makaapekto sa mga tao anuman ang edad, gayunman, ang panganib nito ay mas mataas sa ilang tao kabilang ang mga bata, smoker, allergy sufferer at mga taong may mahinang resistensiya at mga taong madalas mapagod.

Narito ang ilan sa mga sanhi ng namamagang lalamunan:

• Viral infection — ang impeksiyong dulot ng virus tulad ng sipon at trangkaso, mononucleosis, tigdas, chicken pox o krup. • Bacterial infection — ang mga uri ng impeksiyong ito ay kinabibilangan ng strep throat, diphtheria at whooping cough. • Kadahilanan mula sa kapaligiran — hindi lahat ng sore throats ay viral o bacterial. Kung may allergy sa amag, pet dander, pollen o iba pang irritants, maaaring magkaroon ng post-nasal drip. Nagdudulot ito sa pagdami ng plema sa likod ng lalamunan. Ang akumulasyong ito ay maaaring makairita sa lalamunan at maging sanhi ng sakit o pamamaga. Gayundin, puwedeng magdulot ng sore throat ang tuyong hangin. Ang paninigarilyo ay maaaring magdulot ng pamamaga ng lalamunan pati na rin ang pagsigaw at matagal na pagsasalita. • GERD o gastro-esophageal reflux disease — ito ay dahil sa asidong pumupunta sa lalamunan mula sa tiyan. Nagdudulot ito ng pagsusuka at pananakit ng tiyan. • HIV o cancer sa lalamunan — ito ay maaaring pagmulan ng sore throat. Karamihan sa mga sore throat ay hindi nangangailangan ng medikal na atensiyon. Gayunman, kumonsulta agad sa doktor kapag tumagal pa sa isang linggo ang sore throat at kung nakararanas ng kahirapan sa paghinga, kahirapan sa paglunok, masakit na mga tainga, may nakakapang kulani sa leeg, may nana sa lalamunan, pagpapantal, lagnat na higit pa sa 38°C, pananakit ng mga kasukasuan, plema o uhog na may dugo, pagbabara ng lalamunan at pagkapaos na nagtatagal nang higit pa sa dalawang linggo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page