Discount sa pamasahe ng mga estudyante, very good!
- BULGAR

- Jul 17, 2019
- 1 min read

ANG estudyanteng gipit, sa discount kumakapit.
Pero, hindi ito naaasahan sa lahat ng oras dahil ipinagpapaliban ng ibang tsuper ang pagbibigay ng diskuwento sa mga mag-aaral.
Upang makakuha ng diskuwento ang mga estudyante, nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act11314 o Student Fare Discount Act na layong magbigay ng permanenteng diskuwento sa pasahe sa lahat ng pampublikong transportasyon.
Sa ilalim ng batas, magiging mandatory na ang pagbibigay ng 20% discount sa estudyante kapag nakapagprisinta ng school ID o enrollment form na suportado ng government-issued identification document.
Gayundin, sakop nito ang lahat ng pampublikong transportasyon kabilang ang bus, jeep, taxi, tricycle, tren, eroplano at iba pa habang hindi kasama ang school shuttle, tourist services at iba pang may kaparehong kontrata sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Maaaring ireklamo sa LTFRB, Maritime Industry Authority (MARINA), Civil Aeronautics Board at legal service ng Department of Transportation (DOTr) ang sinumang tatangging magbigay ng diskuwento.
Sa mga tricycle driver, suspensiyon ng lisensiya at multang P1,000 kada paglabag ang ipapataw habang sa public transportation utilities ay P5,000 hanggang P15,000 multa hanggang sa kanselasyon ng certificate of public convenience.
Sa water public transportation naman, puwedeng umabot sa P20, 000 ang multa at P150, 000 multa sa air public transportation.
Batay sa batas, mananagot din ang sinumang gagamit ng pekeng school ID o dokumento para makakuha ng discount.
Malaking tulong ito para sa mga mag-aaral dahil ang maliit na halagang matitipid sa pamasahe ay puwedeng gamitin sa ibang gastusin.
Panawagan naman natin sa mga tsuper, huwag nating dedmahin ang batas.




Comments