Customs ‘pag nasampulan sa korupsiyon Lahat ng government agencies, madali nang linisin

NAPAKALAKING bagay ang napabalitang tinututukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bureau of Customs, lilinisin nito ang korupsiyon sa ahensiya.
Siya mismo ang nagsabing 64 opisyales at kawani ng ahensiya ang kasama sa listahan ng mga mangungurakot at dapat lang masibak, pero ililipat muna sa Malacañang.
Bakit sa Malacañang? Ito ay dahil mahigpit ang batas natin, lalo na sa Civil Service Law na kinakailangan ang mahabang proseso para matanggal sa puwesto ang opisyal na pinaghihinalaang nangungurakot dahil madalas, nagdedemanda pa ang mga ito.
Malamang, aabutin ng taon ang prosesong ‘yan.
Ang mangyayari kung hindi man sila matanggal sa puwesto, magkukulang ang mga opisyal na magpapatakbo ng ahensiya.
Masasabi nating mautak talaga si Pangulong Duterte para ilipat muna niya ang mga korup na taga-BOC sa Malacañang habang nag-iipon ang kanyang mga abogado ng pruweba at ebidensiya na tatanggapin ng korte.
Malaking bagay ang gagawin ni Pangulong Duterte dahil kilalang-kilala ito na pinakakorup na ahensiya sa buong bansa.
Isipin ninyo, kamakailan, napabalitang ang isang security guard doon ay milyunaryo pala?
Puwede naman, pero ‘yun ay kung nanalo ito sa lotto, ang hinala ng marami ay mangyayari lang ito kung araw-araw ay kumikita siya ng libu-libo sa pamamagitan ng korupsiyon.
Maraming dahilan kung bakit mahirap linisin ang ahensiya. Noong nasa gobyerno pa tayo ni dating Pangulong Gloria-Macapagal Arroyo, sinubukan nating linisin ang ahensiya sa pamamagitan ng tinatawag na “lifestyle check”. Ibig sabihin, kung mapatunayang ang kayamanan ng opisyal nito ay napakalaki kumpara sa kanyang suweldo at hindi niya mapatutunayang sa malinis ang pinagmulan nito, tatanggalin agad siya sa puwesto pero, ano ang nangyari?
Naging gimik ng ibang mga nagpapanggap na nasa ahensiya na lalapitan ang opisyal at tatakuting ila-lifestyle check siya, pero kung magbabayad ng malaking pera (umabot sa P500, 000 ang hinihingi nila), hindi itutuloy ang lifestyle check.
Sa kasamaang-palad, sumama ang reputasyon ng ganitong pamamaraan ng paglilinis sa ahensiya, pero ang pinakamasagwang nangyari, lumaban ang mga lokong taga-BOC.
Sinadyang pahinain ang mga lehitimong koleksiyon hanggang sa magmakaawa ang pinuno ng ahensiya na itigil muna ang paglilinis dahil kahit may korupsiyon daw ay mas mabuti sa bayan na tuluy-tuloy pa rin ang pagkokolekta ng mga lehitimong buwis.
Dahil malubha ang lagay ng kaban ng bayan nang iniwan ito noon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, nagdesisyon na itigil muna ang ganitong paglilinis ng ahensiya at unahin na lang ang pagpapalaki ng koleksiyon ng “lehitimong buwis”.
Malamang, tutularan ang ganyang gimik ng mga korup sa ahensiya para hindi sila matanggal sa puwesto.
Dapat alam ito ni Pangulong Duterte, dapat nakahanda siyang harapin ang ganitong problema.
Ang paglilinis ng ahensiya ay malaking “sample” para malinis ang kabuuan ng gobyerno kung magagawa ito sa Bureau of Customs, malamang, madali na lang linisin ang ibang ahensiya.





Comments