UPHSD ALTAS AT CSB BLAZERS, PATUTUNAYANG PABORITO

NAIS ipakita ng University of Perpetual Help System-Dalta at College of Saint Benilde na ang kanilang mga unang panalo ay talagang nararapat at maaari silang mapabilang sa mga paborito sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) ngayong Martes sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City. Magtatapat ang dalawang paaralan matapos ang isang linggong pahinga sa tampok na laro ng 4 p.m.
Noong Martes, tinalo ng Perpetual Help ang Mapua University, 80-78, habang nalusutan ng Saint Benilde ang Emilio Aguinaldo College, 69-66. Parehong nagpakita ng tibay ng loob lalo na sa huling mga minuto ang dalawa at ito ay muling masusubukan.
Si Edgar Charcos ang aasahan na mangunguna ulit sa Altas ngunit, kailangan niya ng tulong mula kina Ben Adamos, Rey Anthony Peralta at Jielo Razon. Sa panig ng Blazers, malaki ang inilaro nina Jimboy Pasturan at Justin Gutang kahit wala sina Clement Leutcheu at Yankie Haruna kaya titingnan kung naghilom na ang kanilang mga karamdaman at babalik sa aksiyon.
Bubuksan ang araw ng sagupaan ng Colegio de San Juan de Letran (1-1) at Jose Rizal University (0-2) sa ganap na alas-12:00 ng tanghali na susundan agad ng San Sebastian College (1-0) laban sa Mapua (0-1).
Ganado ang Letran matapos biguin ang season host Arellano University noong Biyernes, 81-72, sa likod ng 31 puntos ni Jerrick Balanza. Gusto ng Heavy Bombers na makabuwena-manong panalo sa ilalim ng bagong coach na si Louie Gonzalez.
Kailangang makaisip ang Mapua ng paraan upang pigilan sina RK Ilagan, Allyn Bulanadi at Alvin Capobres ng Stags na galing sa madaling panalo sa JRU, 82-51. Mahusay ang ipinakita nina sentro Warren Bonifacio at rookie guard Cyril Gonzales kahit kinapos ang Cardinals kontra sa Altas. Samantala, ipinasok ni Jethro Mendoza ang bola na may 1.5 segundo sa orasan upang gulatin ng EAC ang Lyceum of the Philippines University, 84-82, sa ikatlo at huling laro noong Biyernes. Nagtapos sina Mendoza at Marwin Taywan na parehong may 21 puntos at pinagsamang 11 sa 15 tres ng mga General.





Comments