UNBEATEN MIGHTY SPORTS HUMANDA SA SOUTH KOREA

MAKAPIGIL-HININGANG laban ang aabangan ng fans sa matibay na Mighty Sports-Go for Gold Philippines kontra sa South Korea ngayong araw nang magwagi kahapon ang mga Pinoy kontra Canada sa 41st William Jones Cup na idinaraos sa Changhua County Gym, Taiwan.
Nanatiling walang talo ang Mighty Sports at naitarak na ang 4-0 sa kartada nang manalo sa 116-87 kontra Canada-University of British Columbia Thunderbirds, bagamat mabagal lang ang simula ng Pilipinas, at tanging 27-26 lang ang trangko sa first quarter ay nakontrol na nila ang second frame.
Nanaig sila sa Canadians, 39-9 sa pivotal second period at lumamang nang todo sa 75-36 pagdating ng halftime kung saan sina Renaldo Balkman at Eugene Phelps ang nagpatingkad ng laro. Magiting ding pinasuko ng Mighty Sports PHLS ang Japan, 94-59 noong Linggo (Hulyo 14).
Tinuruan ng leksiyon ni birthday boy Renaldo Balkman ang Japanese Dev Team sa bisa ng 27 points, 12 rebounds at 2 blocks habang nanalasa rin si Eugene Phelps sa 19 puntos, 7 boards at 2 steals.
Nanguna rin si Fil-Am guard Mikey Williams sa local side, 17 points, 3 boards at 3 steals upang iangat ang Mighty sa ikatlong sunod na panalo. Unang ginitla ng Mighty Sports-Philippines sa malakas nilang simula ang Jordan, 90-74 noong Sabado.
Namuno sa atake sina Phelps at Balkman at walang naging problema sa Changhua County Gym upang mas mapabilis ang kilos at depensa para gitlain ang Jordan.
May nagawang 20 puntos si Phelps para sa Go For Gold-backed team, habang sina Balkman at Roosevelt Adams ay may tig-17 at 11 puntos. Ang panalo ay kasunod ng unang panalo nila sa Iran noong Biyernes, 98-72.





Comments