P6 bilyong pondo para sa Southeast Asian Games na gaganapin sa 'Pinas, pinag-aagawan, tsk-tsk-ts
- BULGAR

- Jul 16, 2019
- 2 min read
PINAG-AAGAWAN ang P6-B sports fund para sa Southeast Asian Games na idaraos sa bansa ngayong taon.
Sa pinakahuling balita, binasted ni P-Digong ang pagtatangka ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation na patakbuhin ang 30th Southeast Asian Games (SEA Games)!
◘◘◘
SA panayam, nilinaw ni P-Digong na tanging ang gobyerno lamang ang maaaring magsilbing host sa biennial meet upang maingatan ang pondo.
Ibig sabihin, hindi ang PHISGOC, bagkus, magtutulong ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) sa pangangasiwa sa SEA Games!
◘◘◘
GAGANAPIN ang SEA Games sa New Clark City kung saan nakatoka ang athletics at swimming events mula November 30 hanggang December 10 ngayong taon.
Pinayagan ng SEA Games Federation ang Pilipinas na mag-host ng SEA Games sa pamamagitan ni POC President Jose “Peping” Cojuangco na nagtalaga sa noon ay Department of Foreign Affairs (DFA) secretary at kasalukuyang Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano bilang pinuno ng PHISGOC!
◘◘◘
SA orihinal na PHISGOC, si Rep. Cayetano ang tumayong chairman habang co-chairmen niya sina PSC Chief William “Butch” Ramirez at Cojuangco.
Nang matanggal si Cojuangco bilang POC president, hinirang na bagong pinuno si Ricky Vargas na nakipag-partner kay Rep. Cayetano!
◘◘◘
BINUO nina Vargas at Rep. Cayetano at ipinasok sa Securities and Exchange Commission ang bagong PHISGOC kung saan wala nang representasyon ang gobyerno at naalis din si Ramirez subalit, isinama ng dalawa ang mga sarili nilang tao sa komposisyon ng foundation.
Responsibilidad umano ng PHISGOC ang mangalap ng pondo mula sa pribadong sektor!
◘◘◘
KAHIT wala sa kanyang mandato bilang kalihim ng DFA, humingi si Rep. Cayetano sa gobyerno ng P7.5-B pampondo sa SEA Games.
Sa aprubadong 2019 National Budget, P5-B lang ang inilaan para sa SEA Games at tamang napunta ito sa PSC!
◘◘◘
KAHIT karapatan ng PSC na gastusin ang halaga para sa sports, mariin itong kinuwestiyon ni Rep. Cayetano.
Sa kabila nito, muli siyang humingi ng P1-B kay P-Digong at kahit pinagbigyan siya ng pangulo, sa PSC pa rin inilagak ang pera.
Kinukuwestiyon ng executive board ng POC ang PHISGOC ni Rep. Cayetano at sinasabi nilang hindi raw nila kailanman kikilalanin ito!
◘◘◘
MAINAM na nakialam si P-Digong sa panibagong gusot na kinasasangkutan ng mga sports leader ng bansa.
Nakakahiya sa ibang bansa na darayo sa Pilipinas kung hindi mareresolba ang gusot na ito sa administrasyong Duterte!





Comments