Modus ang mag-apply na kasambahay | MAG-ASAWANG MAGNANAKAW, ARESTADO

TIMBOG ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-asawa na modus-operandi ang magpanggap na kasambahay saka pinagnanakawan ang kanilang amo sa ginanap na operasyon sa Bgy. Barosbos, Carles, Iloilo City.
Kinilala ni NBI Director Dante Gierran, ang mag-asawa na sina Richard Perillo at Jerile Arnillo, kapwa naninirahan sa Iloilo City.
Ayon kay NBI-Anti Organized Crime and Transnational Crime Division Chief Atty. Joel Tovera, naaresto ang dalawang suspek noong Hulyo 10, sa Iloilo City sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ng Malolos City, RTC Branch 8 dahil sa kasong qualified theft na walang nakalaang piyansa para sa pansamantala nilang kalayaan.
Batay sa imbestigasyon ng NBI, gawain ng mag-asawa ang mag-apply bilang kasambahay sa Metro Manila at kapag natanggap na sila ay sisimulan na nila ang kanilang pagnanakaw sa bahay na kanilang pinagtatrabahuhan saka sila sabay na uuwi sa kanilang lalawigan at paglipas pa ng ilang taon ay babalik ulit sa Maynila para humanap ng panibagong biktima.
Nadiskubre ng NBI na matapos berepikahin ang record ng mga suspek bukod sa warrant of arrest sa Malolos RTC, may nakataas pang tatlong warrant of arrest laban sa kanila sa Taguig RTC Branch 153 sa kasong robbery at dalawang beses na qualified theft sa RTC Branch 283 sa Valenzuela City.
Nabatid na matagal-tagal na ang modus-operandi ng mag-asawa bago sila naaresto ng ahensiya. Inaalam na ng NBI kung may iba pang nabiktima ang mag-asawang kawatan.





Comments