UST TEAM ASAM ANG MEDALYA SA HK JUDO
- Gerard Arce
- Jul 15, 2019
- 1 min read

SUSUBUKAN ng koponan ng University of Santo Tomas-Philippine Team na makakuha ng medalya sa Hong Kong Asian Junior at Cadets Judo Cup ngayong araw hanggang bukas sa Tin Shui Sports Centre sa bansang Hong Kong.
Ipaparada rito ang 15 student-athletes ng naturang unibersidad bilang paghahanda sa kanilang pagsabak sa 82nd season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) judo championship.
Sasabak sa two-day event na ito sina Ralph Jefferson Suarez (-55kgs), Yul Versoza (-60kgs), Troy Anthony Estrella (-60kgs), Ian Christopher Talob (-66kgs), Ezekiel Cunanan (-66kgs), Givan Benzonan (-66kgs) Hammie Muñoz (-73kgs) Chino Sy (-81kgs), John Aniciete (-90kgs), Thomas Ariola (-90kgs), Nate Concepcion (-90kgs), Joshua Quizon (+90kgs), Lea Quimba (-70kgs), Felize Barbuco (-78kgs) at Kathleen Ferriols (+78kgs).
“This will be a great experience for our student-athletes. It is for them to show how much they train everyday, makikita natin kung ano ‘yung mga kakulangan pa sa kanila,” pahayag ni UST at Philippine team juniors head coach Paul Michael De Vera.
Mahigit 15 bansa ang maglalaban-laban sa naturang event na ito sa walong kategorya sa panig ng boys at girls division bilang parte ng World Ranking Qualification event na inorganisa ng Judo Association of Hong Kong, China sa ilalim ng International Judo Federation (IJF).





Comments