Mula recruitment hanggang pagbabalik-bansa | DEPARTMENT OF OFW, TUTUTUKAN

TUTUTUKAN ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Worker (DOFW) alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte para bigyan ng atensiyon ang lahat ng pangangailangan at problema ng mga OFW at ng kanilang pamilya.
Bago pa man nagsalita ang pangulo sa OFW Summit na ginanap sa Camp Aguinaldo, Quezon City noong nakaraang linggo hinggil sa agarang pagtatatag ng naturang ahensiya, naisampa na ni Go ang isang panukalang-batas na magtatatag ng nasabing ahensiya.
Aniya, nais ng pangulo na ang itatatag na DOFW ay hindi lamang takbuhan ng mga OFW kapag may problema kundi pati na rin ang pagbabantay sa recruitment at placement agency sa ibang bansa hanggang sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas matapos ng kani-kanilang mga kontrata.
Sa nasabing panukala, ang trabaho ng POEA, OWWA at OUMWA ay malilipat na sa DOFW dahil ang nasabing ahensiya na ang tututok mula sa recruitment hanggang sa makabalik sa bansa ang OFW.
Umaasa ang senador mula sa Davao na agad na maipapasa ang kanyang panukalang-batas dahil ito ay sesertipikahan ng pangulo bilang ‘urgent bill’ at kailangang maipasa sa lalong madaling panahon.





Comments