Ambisyoso at mayabang | Cayetano, walang ‘K’ maging Speaker
- BULGAR

- Jul 15, 2019
- 2 min read
MARAMI ang nagulat nang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Congressman Alan Peter Cayetano ang inirerekomenda niya para maging Speaker ng bagong Kongreso, ang pinuno ng mababang kapulungan na ito.
Mapapansin nating marami ang walang bilib kay Cong. Cayetano, samantalang, halatang marami ang pumupuri kay Cong. Martin Romualdez na maging Speaker.
Unang-una, ayaw ng mga tagasuporta ng kabababa lang sa pagka-Speaker na si ex-P-Gloria Macapagal Arroyo kay Cong. Cayetano sapagkat noong pangulo si ex-P-Arroyo, sa kainitian ng kampanya ng dilawan laban sa kanya, isa si Cong. Cayetano sa mga nakaiinis at maingay na kritiko.
Walang masama kung kontra siya noon kay ex-P- Arroyo, pero halatang sumisigaw lang siya dahil sa tingin niya, sa pamamagitan nito ay magiging popular siya sa taumbayan.
Paulit-ulit niyang sinisigaw, sa estilong nakaiinis na si ex-P-Arroyo ay “magnanakaw at mandaraya”, eh, wala naman siyang maipakitang pruweba na mandaraya o magnanakaw ang dating pangulo.
Samantala, sa sitwasyong ito, isa sa mga lumalabang maging Speaker kay Cong. Cayetano ay matagal nang supporter ni ex-P-Arroyo na si Cong. Romualdez.
Maraming may ayaw kay Cong. Cayetano dahil ang dating niya ay ambisyosong tao. ‘Ika nga, “Cayetano is for Cayetano.”
Ang sabi pa, kaya lang siya tumakbo bilang VP ni Pangulong Duterte noong 2016, ayaw ng dilawan na maging kandidato siya sa pagka-VP ng kanilang partido dahil ang dating niya ay mayabang o hindi marunong magpakumbaba.
Kung mayroon siyang kaunting bahid ng kayabangan, hindi ito puwedeng maging Speaker.
Ang trabaho ng Speaker ay mapag-isa ang mga congressman at suportahan ang mga ito para maging madali ang pagpapasa ng mga batas, kakaiba at napakalaking responsibilidad ang papel ng Speaker.
Makapangyarihan ito subalit, kailangang mapagkumbaba sa mga miyembro ng Kongreso para ipasa nila ang mga batas na gusto ng Speaker.
Sa totoo lang, marami ang nag-aakalang dilawan si Cong. Cayetano dahil noon, lahat ng kaaway ng dilawan ay kaaway din niya.
Hindi lang siya makasanib sa Liberal Party dahil nakakahiya ito — ang yumao niyang ama na si dating Sen. Rene Cayetano ay haligi noon ng Partido Nationalista.
Hindi maganda ang unang pahayag ni Cong. Cayetano tulad ng kinakailangan daw pahabain ang termino ng mga congressman. Halatang gimik lang ito para iboto siya bilang Speaker.
Siguro sa pagkadesperado niyang maging Speaker, inalok niya kay Lord Allan Velasco na paghatian na lang nila ang termino ng Speaker, ano ‘yan parang kending paghahatian?
Sa tingin natin, ang dapat maging Speaker ay si Cong. Romualdez.
Magaling siyang makitungo sa mga kapwa niya congressman at walang kayabang-yabang.
Wala tayong ideya kung bakit sinabi ni Pangulong Duterte na mas bagay daw kay Cong. Romualdez na maging bise-presidente.
Matagal pa ang halalan para sa posisyong ito, sa 2022 pa.
Kinakailangan niya ng mahusay ng Speaker ngayon para mapabilis na maipapasa ang mga importanteng batas para umunlad ang ating bayan.





Comments