top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

PASAOL AT SANTILLAN BALIK ANG TIKAS SA PATRIOT’S CUP

A. Servinio
Jul 14, 2019
2 min read

BUMALIK sa tuktok ng tagumpay ang Wilkins-Balanga sa pagtatapos ng ika-apat na yugto ng Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 Patriot’s Cup na handog ng Coca-Cola noong Sabado sa SM Megamall.

Tinalo ng Balanga ang kanilang matinding karibal na Gold’s Gym Pasig, 21-17, sa likod ng pinakitang husay nina Alvin Pasaol at ang nagbabalik na si Leonard Santillan.

Ibinigay ni Santillan ang kalamangan na may 5:30 nalalabi sa pamamagitan ng dos, 10-9, at hindi na nila binitawan ito.

Ipinasok nina Karl Dehesa at Alvin Pasaol ang mga mahahalagang puntos habang si Prince Orizu ang namuno sa rebound at depensa para lumayo, 18-13. Hindi basta sumuko ang Pasig at sinubukang lumapit sa mga atake nina Taylor Statham at Joshua Munzon ngunit, ang Hulyo 13 ay talagang araw ng Balanga.

Tuloy pa rin ang mainit na shooting ni Pasaol at siya ang gumawa ng kanilang huling tatlong puntos para maiselyo ang panalo at maiuwi ang gantimpalang P100,000 at inihaw na manok.

Mahirap ang dinaanan ng Balanga patungo sa korona at kinailangan nilang lampasan ang matinding hamon ng VetHealth-Delhi 3BL sa semifinals, 21-20. Pinasok ni Pasaol ang free throw para patumbahin ang mga bisita galing India na may 1:04 sa orasan. “Tumaas talaga ang aming kumpiyansa pagkatapos ng laro sa India,” wika ni Pasaol.

Pinuri rin ni Pasaol si Santillan na huling naglaro sa koponan sa President’s Cup noong Marso ng taong ito. “Lumaki kami, may katulong na ako sa ilalim.” Nagmukhang madali ang panalo ng Pasig sa semifinals laban sa Phenom Basilan CTC Construction, 17-7.

Mahigpit na depensa ang naging susi ng Pasig at hindi nakaporma ang mga shooter ng Basilan na sina Franky Johnson at Marcus Hammonds.

Sa elimination round, winalis ng Bataan ang Marikina Shoemasters, 21-16, at Max4-Birada Cebu, 21-15. Ang Pasig ay nanalo sa Tycoon Quezon City, 21-14, at MiGuard Vigan, 21-11.

Gaganapin ang ika-lima at huling yugto ng Patriot’s Cup sa Hulyo 27 sa SM Megamall muli at dito malalaman kung sino ang pangkalahatang kampeon na mananalo ng isang milyong piso.

Maliban sa salapi, ang kampeon ay ipadadala sa huling yugto ng FIBA 3X3 World Tour Masters sa Jeddah, Saudi Arabia ngayong Oktubre 18.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page