P-Digong, ‘di na raw kailangang ikudeta, may kusa siya, hmmm

PINAYUHAN ni P-Digong ang AFP na huwag magkudeta.
Magkukusa raw siyang ibigay ang poder sa mga sundalo kung kinakailangan talaga!
◘◘◘
LUMABAS na ikukudeta agad ang hindi pa nakauupong si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano bilang Speaker.
Hindi “kudeta” ang tawag d’yan kundi “agaw silya” tulad sa popular na party games na “Trip to Jerusalem”!
◘◘◘
TAMA, naglalaro lamang ang mga kongresista kung sino ang magwawagi sa “Trip to SONA”.
Hindi namamalayan ni Rep. Cayetano ay nasa likuran niya si Rep. Martin Romualdez.
Kapag biglang tumigil ang maharot na musika, may ulat na “aagawin” daw ni Rep. Romualdez ang “upuan” na target ni Rep. Cayetano.
Kaysarap panoorin ang “laro sa Kamara”!
◘◘◘
ANG problema, natunugan agad ni Rep. Cayetano ang pakana ni Rep. Romualdez kasi nabisto ito sa kadaldalan ni Rep. Mike Defensor.
Kung nabisto ang lihim na pakana, paano maagaw ni Rep. Romualdez ang “upuan” na nasa harap ni Rep. Cayetano?
◘◘◘
IKINALAT daw ni Rep. Defensor ang “text messages” kuno ni Mayor Sara, pero itinatwa at napurnada agad.
Kumbaga, sa paputok ay supot ang “pakana” at nagbumerang sa kampo ni Rep. Romualdez!
◘◘◘
ITINAON ni Rep. Defensor ang palpak na exposé sa farewell party ni Ate Glo sa pag-aakalang magagalit rito ang pangulo.
Si P-Digong kasi ang nag-atas ng term-sharing nina Rep. Cayetano at Rep. Velasco bilang Speaker at nasadlak si Rep. Romualdez bilang majority leader lamang!
◘◘◘
SAKALING magalit si P-Digong sa exposé ni Rep. Defensor, maaring magka-royal rumble at mabalik sa free-for-all ang mga pobreng kongresista.
Ngayon, masama ang loob ni Mayor Sara kay Rep. Defensor dahil nabisto ang “Inday Badidoy” na naghahasik ng tsismis at intriga!
◘◘◘
ANO ang motibo ng panggugulo sa napagkasunduang term-sharing?
Malinaw pa sa mineral water: Balyahin o itulak ang mga kapanalig nina Rep. Velasco at Rep. Isidro Ungab upang hindi makopo ang “upuan” sa committee chairmanship na target ng bloke ni Rep. Romualdez!
◘◘◘
IISA ang malinaw, selyado na ang term-sharing agreement.
Pero, nagbabalyahan at nagdadanyuhan ang mga naglalaro ng “Trip to Jerusalem” sa kakaunting bakanteng upuan.
Makopo kaya ang “mga silya” ng apostoles ni San Martin?





Comments