Department of OFW kasado na — Duterte
- Mylene Alfonso / Gina Pleñago
- Jul 14, 2019
- 1 min read

IPINANGAKO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglikha ng hiwalay na executive department para sa mga overseas Filipino worker sa Disyembre.
Ayon kay P-Duterte, mamadaliin niya ang pagtatatag nito kung saan ang lahat ng gagawing recruitment ng mga Filipino migrant worker ay nasa ilalim na ng superbisyon ng gobyerno.
“Apurahin ko ‘yang Department of OFW,” ani P-Duterte sa kanyang talumpati sa Araw ng Pasasalamat sa OFW sa Camp Aguinaldo, Quezon City, kamakalawa.”
“Bawal na ‘yang recruitment diyan sa labas that kind of mechanism of recruiting Filipino workers abroad has been abused and abused and abused. Mga kababayan ko puro biktima, puro kawawa,” ayon pa sa pangulo.
Tiniyak din ni P-Duterte na sa ikalawang linggo ng susunod na buwan ay mayroon nang framework para sa bagong ahensiya.
Matatandaang, si Senator Christopher ‘Bong’ Go ang nagsumite ng panukala para sa pagbuo ng bagong departamento at inaasahang sesertipikahan ito ng pangulo bilang urgent bill.
Nakapaloob sa kanyang Senate Bill 202 o Department of Overseas Filipinos Act of 2019 na magsisilbing umbrella agency ang Department of Overseas Filipinos na tututok sa lahat ng isyu at concerns ng mga OFW at kanilang pamilya sa Pilipinas.
Samantala, nakatakdang magpulong sa pangunguna ng Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Adminisration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para pag-usapan at paghandaan ang kautusan ni P-Duterte.





Comments