‘PINAS NAKA-TANSO SA ASIA-OCEANIA FLOORBALL CUP

BIÑAN CITY – Nakamit ng Pilipinas ang medalyang tanso sa pagtatapos ng 2019 Men’s Asia-Oceania Floorball Cup sa Alonte Sports Arena, Biyernes ng gabi. Tinalo ng mga Pinoy ang Timog Korea sa overtime, 6-5, salamat sa goal ni Ryan Hallden.
Lamang ang Pilipinas sa ikatlo at huling period, 5-3, pero bumawi ang mga Koreano sa likod ng mga goal nina Baek Seung-Hoon at Lee Eu-Sung na may pitong segundo sa orasan at itinabla ang talaan para sa overtime, 5-5.
Pagdating ng overtime, sinigurado ni Hallden na hindi masasayang ang kanyang mahusay na laro sa nagdaang 60 minuto.
Si Hallden ang nagbigay ng assist kina Ryan Vincent Alido at Christian Schoultze bago niya mismo ipinasok ang bola galing sa assist ni Lucas Oijvall upang maitabla ang laban, 3-3. Dalawang magkasunod na goal nina Ysaac Gelangre at Schoultze ang nagpalayo, 5-3, bago humigpit muli ang laban.
Ang tanso ay napakalaking angat kumpara noong 2017 sa Bangkok, Thailand kung saan, sa ika-walo at huling puwesto pinulot ang Pilipinas. Malaking bagay ang paghanap at pagkuha ng mga Pinoy na naglalaro sa Europa lalo na sa bansa ng Sweden kung saan sinasabing inimbento ang laro.
Nagsimula ang torneo noong Hulyo 7 at nagtapos ang Pilipinas na may 2-1 panalo-talo sa elimination matapos talunin ang India (5-4) at gulatin ang Japan (5-3), pero yumuko sa Singapore (2-17). Pagdating ng quarterfinals, itinumba ng mga Pinoy ang Malaysia, 5-4, salamat sa goal ni Hallden, pitong segundo bago ang huling busina ngunit, saglit lang ang kanilang selebrasyon at nahinto ito ng Thailand sa semifinals, 7-13.
Ang Singapore ang itinanghal na kampeon sa torneo matapos nilang tambakan ang Thailand, 17-1. Ang husay na ipinakita ng Pilipinas ay magandang senyales na maaring makakamit ng medalya ang pambansang koponan sa 30th Southeast Asian Games sa Pilipinas.





Comments