GILAS, HINDI MATITINAG SA 2019 FIBA WORLD CUP

SAPAT ang kaalaman ni Serbian coach Rajko Toroman hinggil sa porma ng Philippine basketball at sa programa ng national team at naniniwalang ang Gilas Pilipinas ay magiging “very competitive” sa nalalapit na 2019 FIBA Basketball World Cup.
Sa naging laro ng Mighty Sports sa isang tune-up laban sa Gilas Pilipinas noong Lunes ng gabi, tumabla ang team ni Toroman sa 85-all. Para sa Gilas, ito ang una nilang tune-up bago pa ang World Cup; at para naman sa Mighty Sports, iyon ang kanilang bahagi ng preparasyon para sa Jones Cup na magsisimula na ngayong araw sa Taiwan.
Nanguna muna sa 6 puntos na kalamangan ang Mighty Sports, 85-79 sa nalalabing 2 minutes, pero ang clutch triples na ginawa nina Marcio Lassiter at CJ Perez, kasama na ang pahirapang depensa ng Gilas sa final 15 seconds ang tumiyak ng patas na iskor sa pagtatapos ng laro. Para kay Toroman, “very, very difficult to judge” raw ang Gilas Pilipinas kung pagbabasehan sa isang laro lamang, lalo na at ang ibang players ay naglalaro pa sa PBA bago pa man ang laban. Pero naroon pa rin ang tiwala ng Serbian coach na ang Gilas edition na ito ay may magandang ikakampanya.
“You know, they have great shooters. All of them, they are great shooters,” ayon kay Toroman, na unang humawak ng unang bersiyon ng Gilas noong 2009 hanggang 2011.
“And with (Andray) Blatche, you can stretch the floor. That will be a very, very competitive team. They have quickness. They are very aggressive. They have everything,” dagdag niya. “Kiefer (Ravena) will come back. It will be a big help also for Philippines national team, for Gilas.”
Minamatyagan pa rin ni Toroman, na unang nag-coach kontra Iran sa Beijing Olympics noong 2008, hanggang sa ngayon, ang Philippine basketball kahit na natigil na siya bilang coach ng Gilas Pilipinas. Sabi niya noong Lunes ng gabi sa ABS-CBN online, na umiibayo na talaga ang larong basketball sa Pilipinas at makikita na lang natin isang araw na muling titingalain ang pangalan at bandila ng bansa sa World Cup.
“You know, they have really good players, a country of good players, and it’s a powerful basketball country now in Asia. And with one import, they will be very competitive,” aniya sa prediksiyon niya.





Comments