Gaano katagal bago tuluyang mawala ang pigsa?
- BULGAR

- Jul 13, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Totoo ba na kapag mahina ang immune system ng tao, madali itong magkaroon ng pigsa? Gaano ito katagal bago tuluyang mawala? — Florita
Sagot
Ang pigsa ay impeksiyon sa balat na nag-uumpisa sa ugat ng buhok o balahibo (hair follicle).
Mikrobyo o germs ang karaniwang sanhi ng pigsa, karaniwang mikrobyo ay nagmumula sa pamilya ng mga bacteria na tinatawag na staphylococcus. Ang bakteryang ito ay maaaring sumuot sa maliliit na butas sa ating balat na dulot ng sugat.
May mga sakit o kondisyon na nagpapataas ng probabilidad na magkaroon ng pigsa, kabilang dito ang mga sumusunod:
diabetes
malnutrition
poor hygiene
mahinang immune system
Bagama’t, karamihan ng mga pigsa ay madaling gumaling at mawala, may mga kaso na kinakailangan ng pag-inom ng gamot at konsultasyon sa doktor.
Paano gamutin ang pigsa sa bahay?
Gumamit ng “warm compress” o mainit na tubig na nakabalot sa tela at ipatong ito sa bahagi ng katawan na may pigsa. Makatutulong ito sa pag-impis ng kirot at pagpapalabas ng nana.
Gawin ito araw-araw hanggang sa mawala ang pigsa. Iwasang paputukin ang pigsa gamit ang karayom, ito ay maaari lamang magpalala ng pigsa, bagkus, hayaang pumutok ang pigsa. Kapag pumutok na ang pigsa, dapat itong hugasan ng sabon at malinis na tubig hanggang sa mawala ang lahat ng nana. Maaaring mag-apply ng antibacterial ointment tulad ng Terramycin tapos tapalan ng bandage o band-aid ang sugat. Ulitin ito ng dalawang beses kada araw hanggang sa mawala ang pigsa.
Gaano katagal bago gumaling ang pigsa?
Kung naumpisahan ang wastong paggagamot, sa loob ng 2-3 araw ay magsisimula nang makaranas ng pagbabago at paggaling sa pigsa. Kung lumalala o hindi gumagaling ang pigsa, magpatingin agad sa doktor upang ma-examine ito.




Comments