PAGTALIMA SA PILIAN NG POC OFFICIAL, OKEY SA HULYO 28

ITINAKDA na ang araw ng eleksiyon para sa mga bakanteng posisyon sa Philippine Olympic Committee (POC).
Ito ay matapos itakda ng executive board ng POC ang isang special poll sa Hulyo 28, habang gaganapin naman ang isang extraordinary general assembly sa Hulyo 18 para pag-usapan at malaman ang mga tatakbo sa mga bakanteng puwesto sa POC.
Alinsunod ito sa utos ng International Olympic Committee (IOC) at Olympic Council of Asia (OCA) na magkaroon ng halalan sa mga bakanteng posisyon matapos ang pagre-resign ng ilang miyembro ng POC na pinangunahan ni dating president Ricky Vargas.
Nagkaroon ng dalawang resolusyon ang executive Board sa naturang pag-uusap, kung saan, napagkasunduan na magkaroon ng ‘independent election committee’ at isang EGA sa Hulyo 18 bago ang eleksiyon.
Ninomina ng Board bilang parte ng election committee si dating Comelec commissioner Rene Sarmiento bilang chair, Fr. Victor Calvo, O.P. ng Letran at isang representante mula sa Philippine Dispute Resolution Center, Inc.
Gaganapin ang naturang general assembly sa ganap alas-11:00 ng umaga sa Manila Golf and Country Club, sa Makati City.
“All (resolutions) of these will be ratified in the July 18 extraordinary general assembly. It may resolve all the leadership problem of the POC”, ayon kay board member Robert Mananquil.
Kabilang din sa mga dumalo sina 1st vice president Joey Romasanta, 2nd vice president Jeff Tamayo, auditor Jonne Go, IOC representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski at board member Prospero Pichay. Ipinagbawal naman na dumalo sa naturang meeting ang mga dating miyembro.





Comments