Agawan sa pagka-Speaker, 'di pa tapos

TALIWAS sa alam ng iba, hindi pa rin naresolba ang girian sa Speakership sa Kamara.
Ito ay kahit inendorso na ni P-Digong ang Cayetano-Velasco term-sharing scheme!
◘◘◘
NAG-ALBUROTO kasi si Mayor Sara sa exposé ni Rep. Mike Defensor na kapanalig ni Rep. Martin Romualdez.
Ikinalat ni Cong. Defensor sa media at iba pang kongresista ang text messages daw na panawagan ni Mayor Sara na kumokontra mismo sa term-sharing!
◘◘◘
NAKUHANAN ng picture at video ang screen ng smartphone ni Cong. Defensor at ito ang nilalaman: “Hi sir! I have the go-signal of Mayor Inday to publish, nanawagan siya ngayon sa lahat ng mga congressman na bumoto ayon sa kanilang kagustuhan dahil ang kanyang ama ay na set-up lamang ng mga gahaman na gabinete na kaalyado ni Cayetano.”
Ayon kay Cong. Defensor, ipinadala sa kanya ang text messages ng baguhang kongresistang taga-Davao na “very close” raw sa Presidential Daughter!
◘◘◘
NANGYARI ang pagbubunyag ni Cong. Defensor sa farewell party ni Gloria Macapagal-Arroyo noong Martes ng gabi.
Nag-backfire ito sa kampo ni Cong. Martin dahil nagalit si Mayor Sara, sinabihan niya si Cong. Defensor na tigil-tigilan ang pang-iintriga at pangalanan kung kanino galing ang text messages!
◘◘◘
IBINUNYAG naman ni Inday Sara na noong nakaraang Miyerkules, nagpa-panic si Cong. Defensor ilang oras bago maganap ang pag-uusap sa Malacañang tungkol sa term-sharing.
Tumawag pa raw ito sa kanya upang ipilit hanggang sa kahuli-hulihan ang manok nitong si Rep. Romualdez!
◘◘◘
NANG matapos ang meeting sa Malacañang, muli raw tumawag sa kanya si Cong. Defensor at tinutuligsa nito ang nabuong term-sharing. Nag-sorry naman agad si Cong. Defensor kay Mayor Sara, pero dinedma lang.
Malinaw na hindi katanggap-tanggap para sa Martin camp ang desisyon ni P-Duterte!
◘◘◘
NAGBABALA si Rep. Joey Salceda na susuportahan lang nila si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano bilang House Speaker kung ibibigay nito sa kanila ang mga pinupuntirya nilang puwesto.
Ang pinakamatindi sa lahat ay umaasa silang mababago pa ang sitwasyon kung magsasalita lang si Mayor Sara!
◘◘◘
HINDI kaya si Cong. Defensor lang ang nag-imbento ng misteryosong text messages?
Kinakalawang na yata ang trusted political operator ni GMA noon dahil matagal itong nawala sa mundo ng politika.
He-he-he!





Comments