Sanhi at sintomas ng pagkakaroon ng tubig sa baga
- BULGAR

- Jul 11, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Maaari bang talakayin ninyo ang tungkol sa pagkakaroon ng tubig sa baga kung ano ang sanhi at mga sintomas nito? — Junel
Sagot Ang tubig sa baga o pulmonary edema ay kondisyon kung saan napupuno ng tubig ang baga ng tao. Kapag nangyari ang kondisyong ito, ang katawan ng pasyenteng may tubig sa baga ay mahihirapang makakuha ng sapat na oxygen para mabuhay.
Ang pagkakaroon ng sakit sa puso ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng tubig sa baga. Kapag ang pasyente ay may problema sa puso, mahihirapan itong magbomba ng sapat na dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kapag may tubig ang baga, nagtatrabaho ng doble ang puso para makapagsuplay ng dugo sa buong katawan. Ito ay nakadaragdag ng hindi kinakailangang pressure sa maliliit na mga ugat sa baga at para maibsan ang pressure na ito, ang maliliit na ugat sa baga ay kailangang magpalabas ng tubig na naiipon sa baga.
Narito ang ilan sa mga salik ng pagkakaroon ng mapanganib na sakit sa baga:
dati nang nagkatubig sa baga
nagkaroon ng sakit sa baga tulad ng TB at chronic obstructive pulmonary disorder o COPD
pagkakaroon ng sakit sa dugo
Narito ang mga sanhi ng pagkakaroon ng tubig sa baga:
atake sa puso o iba pang sakit sa puso
pagkipot sa mga balbula ng puso
biglaang pagtaas ng presyon ng dugo
pagkakaroon ng pulmonya
sakit sa bato
sakit sa baga dulot ng matinding impeksiyon
matinding impeksiyon sa dugo o sepsis
pamamaga ng lapay o pancreatitis
paggamit at pag-abuso sa iligal na droga
pagkasira ng baga dahil sa pagkalanghap ng lason
pagkakaroon ng matinding trauma
pagkalunod
Narito ang mga sintomas nito:
hirap sa paghinga
pagtunog ng baga kapag humihinga (parang sumisipol)
pag-ubo ng dugo
matinding pagpapawis
pagbawas ng pagiging alerto
pamamaga ng mga paa
hindi normal na tibok ng puso
Narito ang mga paraan upang maiwasan ang pagkakaroon nito:
pagpapabakuna laban sa pulmonya
pagpapabakuna laban sa trangkaso, lalo na kung may sakit sa puso o matanda na
patuloy na pag-inom ng gamot pampaihi kung kagagaling lang sa sakit na ito
regular na pagpapa-check-up sa doktor
paghinto sa paninigarilyo at paggamit ng iligal na droga
mag-ehersisyo
kumain ng masusustansiyang pagkain
pagpapanatili ng tamang timbang




Comments