Pasaway at abusadong parak, dapat lang masibak!

NAGSALITA na si Pangulong Rodrigo Duterte kung sino o sinu-sino ang kanyang nais maging House Speaker ngayong July 22, kasabay ng kanyang ikaapat na SONA. Sina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang maghahati ng termino bilang Speaker ng House of Representatives.
Samantalang, si Rep. Martin Romualdez naman ang inendorso ni Pangulong Duterte bilang House Majority Leader. Sumang-ayon naman si PDP-Laban President Sen. Koko Pimentel sa pahayag ng pangulo.
Natapos na rin ang mga bulungan at haka-haka kung sino ang ieendorso ni Pangulong Duterte. Natapos na rin ang mga bulungan at haka-haka.
Matatandaang, ilang beses nagpahayag ang Palasyo na hindi makikialam ang pangulo sa pagpili ng House Speaker kaya kung papayag naman ang ibang umaasa na maging sunod na House Speaker sa inendorso ni Pangulong Duterte at term-sharing ay hintayin na lang natin. May mga nagpahayag na ang term-sharing ay hindi magandang patakaran. Kung iisipin, tutol sa term-sharing sina Davao City Mayor Sara at Rep. Paolo “Pulong” Duterte na may ibang itinutulak bilang Speaker, paano na kaya ‘yan? Magkakagulo ba ulit ngayong July 22 bago magbigay ng talumpati si Pangulong Duterte tulad noong 2018?
◘◘◘
“To serve and to protect”, ito ang mababasa natin sa mga sasakyan ng pulis. Ito rin ang kanilang tungkulin kapag nanumpa sila bilang miyembro ng Philippine National Police (PNP), pero ganu'n ba ang nakikita natin ngayon? Kailan lang ay nag-viral ang video kung saan isang galit na galit na pulis-San Juan ang minura at binantaang aarestuhin ang isang sibilyan dahil siningitan siya sa kainan sa San Juan, hindi raw siya inirerespeto. Ilang mura ang naririnig natin sa video, sabay banta na aarestuhin at dadalhin sa presinto. Hiningan pa ng ID ang sibilyan dahil kakasuhan ng bagansiya kung wala.
Gayunman, sinibak sa puwesto ang pulis-San Juan at isasailalim sa “refresher course on values formation”. Matatandaang, nagpahayag na si NCRPO Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar na lahat tayo ay nag-iinit ang ulo, pero dahil nanumpa silang maninilbihan at magbibigay-proteksiyon, dapat pinalalampas na lang ang mga ganyang bagay at nagbibigay naman sila dapat ng serbisyo sa publiko at hindi kabaligtaran pero, paano kung hindi nakunan ng video? Ano ang laban ng mga sibilyan sa ganitong klaseng sitwasyon, nasingitan lang, nagwala at nagbanta na? Krimen pala ang hindi nagbibigay-pugay at respeto sa pulis sa kainan? Sa kainan lang ba dapat respetuhin ang pulis o kahit saan tulad ng sinehan, Simbahan, tindahan? Alam nating dapat respetuhin ang “figure of authority”, pero dapat ginagampanan din ng pulis ang tungkulin tulad ng pag-aresto sa mga lumalabag sa batas at hindi dahil nasingitan lang sa kainan.





Comments