Pangarap ni Cong. Cayetano na maging Speaker, depende pa rin sa boto, period!

BAKA GUSTO NG MGA SUNDALO NA DOBLEHIN ULIT ANG DOBLADO NILANG SUWELDO PARA WALANG KUDETA?—Ibinulgar ni P-Duterte na may mga sundalo raw na nagbabalak magkudeta sa gobyerno at mapipigilan lang daw ito kung babaguhin ng Kongreso ang mga nilalaman ng Saligang-Batas.
Ganu’n, eh, dinoble na ng administrasyong Duterte ang suweldo ng mga sundalo tapos nagbabalak pa silang magkudeta?
Dapat yata, ang “dobladong suweldo” ng mga sundalo ay doblehin ulit ni P-Duterte para hindi na sila magkudeta, boom!
◘◘◘
TAGILID PA RIN SI REP. CAYETANO SA PAGKA-SPEAKER —Kahit inendorso na ni P-Duterte si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano na maging unang Speaker sa napagkasunduang term-sharing nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay hindi pa rin siya (Cayetano) dapat makampante kasi ang posisyong ‘yan ay idinaraan sa pagboto ng mga kongresista.
Ibig sabihin, kapag sa botohan ngayong July 22, 2019, may nag-nominate rin kina Rep. Velasco, Davao City 3rd Dist. Rep. Isidro Ungab at Leyte Rep. Martin Romualdez sa posisyong Speaker at hindi sila umatras sa laban, tagilid ang pangarap ni Rep. Cayetano na maging boss ng Kongreso, period!
◘◘◘
P-DUTERTE, IBINUKING NI GMA—Nagpasalamat si dating Speaker, ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo kay P-Duterte dahil naging susi raw ang gobyerno nito kaya inabsuwelto siya ng Supreme Court (SC) sa kasong plunder.
Madaldal din pala si GMA kasi itinanggi na noon ni P-Duterte na wala siyang kinalaman sa pag-absuwelto sa kanya ng SC, eh, ibinuking pang may alam dito ang pangulo, boom!
◘◘◘
‘WAR ON DRUGS’ NI P-DUTERTE, PINATAMAAN NI MAYOR ISKO?—Ayon kay Mayor Isko Moreno, suportado raw niya ang drug war basta hindi ito lalabag sa karapatang-pantao ng mga taga-Maynila.
Aba, parang si P-Duterte ang pinatamaan ni Mayor Isko kasi ang polisiyang ‘war on drugs’ ng administrasyong Duterte ay tahasang paglabag sa karapatang-pantao, period!





Comments