top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Paglilingkod at serbisyo, hindi puwedeng "puwede na"

Isko Moreno
Jul 11, 2019
1 min read

MASYADONG mabilis na lumipas ang ating unang linggo ng panunungkulan bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila. Marami tayong natanggap na papuri at kritisismo sa ilang mga polisiyang ipinatupad natin na nakaapekto hindi lamang sa mga maliliit nating mga kababayan na naghahanapbuhay ngunit, lalo na sa malalaking grupo o sindikato na nagpapatakbo sa ilan sa mga ito.

Hindi madali ang mga pagbabagong nais nating ipatupad, marami tayong mga negosyo (legal o iligal man) na makababangga at tayo ay handa sa ganitong mga sitwasyon. Masyadong lugmok at napabayaan ang Lungsod ng Maynila kaya kailangan natin ng tulong at panalangin upang tayo ay magtagumpay.

Hindi ito madali, maraming balakid at pagsubok ngunit, ito ang landas na tinahak natin at ito ang mandato na ibinigay sa atin. Hindi puwedeng, puwede na o pagtiyagaan na lang ang nakaugalian. Pagbabago ang hangad ng taumbayan at gagawin natin ang lahat upang mapabuti ang kalagayan ng siyudad.

Panawagan natin sa ating mga kababayan, huwag sanang mainip. Hindi madali ang mga pagbabago na nais nating gawin sa lungsod, hindi tayo perpekto. Madarapa at magkakamali tayo ngunit, sa tiwalang ipinagkaloob sa atin, pipilitin natin itong suklian ng tapat at wastong paglilingkod at serbisyo. “You deserve nothing less,” ika nga sa salitang Ingles kaya magsama-sama tayo sa paglalakbay na ito.

Ilang araw pa lang ang nakalipas ng tayo ay binigyan ng tiwala na muling makapaglingkod. Sana, huwag tayong magsawang sumuporta.

Patuloy tayong mananalangin para makamtam nating lahat ang matagal na nating minimithing pag-unlad sa ating lungsod.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page