Mga iligal na tindero na napaalis, bibigyan ng libre at maayos na puwesto
- Ryan B. Sison
- Jul 11, 2019
- 1 min read

TULUY-tuloy ang clearing operation sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kung saan ikinatuwa ito ng ilang motorista, gayundin ng mamamayan na madalas naglalakad sa kalsada.
Gayunman, bagama’t, maraming illegal vendors ang napaalis, partikular sa Balintawak, bibigyan umano sila nang maayos na puwesto kung saan makapagsisimula ulit sila ng panibagong hanapbuhay nang sa gayun ay hindi sila makaaapekto sa iba dahil sa totoo lang, halos nasasakop na nila ang kalahati ng kalsada na may masamang epekto sa daloy ng trapiko.
Pero, hindi na kailangang mamroblema ng mga pinaalis dahil maging ang kanilang renta ay magiging libre na sa unang mga buwan, gayundin, aalukin sila ng livelihood program para magkaroon sila ng iba pang pagkakakitaan.
Nakatutuwang malinis na mula sa anumang obstructions ang harapan ng palengke at ang kalsada ay malaya na ring nagagamit ng mga motorista.
Dagdag pa rito, bukod sa mga illegal vendor ay nililinis na rin ang mga sasakyang nakahambalang sa iba pang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Samantala, ang nais natin ay magtuluy-tuloy ito at hindi lang sa simula maramdaman ng mga Pilipino nang sa gayun ay makita natin ang pagbabago na makapagpapaganda sa ekonomiya ng bansa na matagal nang ipinangako ng gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments