SEAG BOXERS, MAGPAPAINIT MUNA SA KAZAKHS, INDONS AT THAI FIGHTERS

INAASAHAN ang boxing na magbibigay ng maraming gintong medalya sa darating na 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre at ang pambansang koponan ay gagawin ang lahat para hindi mabigo ang mga kababayan. Bilang paghahanda, lalahok ang mga boksingero sa mga pandaigdigang palaro sa Kazakhstan, Indonesia at Thailand.
“Walang hinto kung walang ginto,” pahayag ni Coach Roehl Velasco sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel Manila. “Susubukan naming lampasan ang aming nakuhang mga medalya noong 2017.”
Sinamahan si Coach Velasco, ang nagwagi ng tanso sa 1992 Barcelona Olympics, nina Light-Heavyweight John Marvin at Middleweight Eumir Felix Marcial na mga defending champion sa SEA Games at Flyweight Bronze medalist Ian Clark Bautista. Nilinaw ni Coach Velasco na wala pang tiyak na listahan sa SEA Games at malamang ay sa Oktubre pa malalaman ang listahan.
Maliban pa sa tatlo, nakuha ni Bantamweight Mario Fernandez ang pilak at Light-Welterweight Charly Suarez ang tanso sa Kuala Lumpur SEA Games para sa pangkalahatang limang medalya. Naghahanda rin ang Pilipinas para sa World Championship at Asian Championship at ang qualifiers para sa 2020 Tokyo Olympics.
Hahatiin ang pambansang koponan at ang unang grupo ay tutulak patungong Kazakhstan para sa President’s Cup mula Hulyo 15 hanggang 21. Susundan ito ng halos magkasabay na Thailand Open mula Hulyo 18 to 28 at Indonesia President’s Cup mula Hulyo 20 hanggang 27. “All of the other countries are good, I’m here to get a gold so I will be ready for all of them,” wika ng Filipino-British na si Marvin na tubong-Pampanga ang mga kamag-anak. Nagkakaisa ang tatlong boksingero na ang kanilang pamilya ang nagsisilbing kanilang pinakamalaking inspirasyon para makuha ang ginto, lalo na ngayong ang SEA Games ay gagawin dito mismo sa Pilipinas.





Comments