KANINO ANG KORONA NG PVL SA ANGELS O COOL SMASHERS?


MAGHAHARAP na ang Creamline at PetroGazz sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference Finals na magsisimula ngayong Miyerkules sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Pinatotoo ng nagrereynang Cool Smashers and match-up na inaasam ng fans nang kanilang walisin sa semifinals ang PacificTown-Army Lady Troopers noong Sabado (Hulyo 6).
Nakapasok naman sa kanilang unang Finals ang Angels nang talunin nila ang BanKo Perlas Spikers. Maghaharap ang Lady Troopers at Perlas Spikers para sa ikatlong puwesto ng 3 pm, habang gaganapin ang Game 1 ng Finals simula 5 pm.
Mapapanood ng fans ang live coverage ng ABS-CBN Sports sa S+A simula ng 3 pm. Pagkatapos tambangan ng Angels sa kanilang pinakaunang laro, rumatsada ang Cool Smashers sa sunud-sunod na panalo, kasama ang nag-iisa ring talo ng PetroGazz.
Inaasahang gagamitin ng Creamline ang kanilang naging karanasan sa unang dalawang kampeonato na kanilang pinagdaanan na dahilan ng pagiging kalmado ng Cool Smashers sa pagsabak nila sa laban.
“Every finals, actually, iba-iba ang kalaban namin and it’s good kasi alam namin na we are consistent as a team, consistent in our teamwork, in our preparation and in our practices,”ayon sa beteranong opposite spiker ng koponan na si Michelle Gumabao.
“Pagdating sa finals, karamihan sa amin may experience na, playing in the Finals and for the championship, almost everyone,” dagdag ni Gumabao.”I’m just happy that our imports, especially si Ale, who is the new one this year, she’s also a veteran and she’s composed. So, that really contributes kung paano kami sa loob ng court, hindi nara-rattle, hindi kinakabahan.”
Sa kampo ng Angels, tatangkain naman nilang hindi masayang ang pagkakataon na nakarating sila ng finals. “Na-reach na namin ang target(finals) namin, pero since nandito na kami ibang usapan na ‘yan. Ibibigay na ang lahat. Bigay todo na ‘to, to get the championship,” wika naman ni PetroGazz coach Arnold Laniog.
Gaya ng mga nauna nilang laro, sasandigan ng Angels para pangunahan ang kanilang finals campaign ang kanilang mga high scoring imports na sina Wilma Salas ng Cuba at Amerikanang si Janisa Johnson.
“We’ve been practicing and working hard the whole season for this moment. We know it’s not over yet but we are one step closer to what we’ve been working hard the whole season,” ani Johnson.”I think we’re right there so we’re gonna keep working and give our all.”
Huwag palampasin ang unang laro ng PVL Reinforced Conference Finals na kinatatampukan ng defending champion Creamline Cool Smashers kontra PetroGazz Angels maging ang Battle for Third ng PacificTown-Army at BanKo Perlas. (VA/MC)





Comments