top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

CHARCOS NG UPHSD, BUMIDA; BLAZERS, NAGPAKABOG PA

A. Servinio
Jul 10, 2019
2 min read

BINUHAT ni Edgar Charcos ang University of Perpetual Help System-DALTA sa huling quarter para maitala ang 80-78 na tagumpay laban sa Mapua University sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) kahapon sa FilOil Flying V Centre.

Ipinasok ng beteranong guwardiya ang huling 11 puntos ng Altas na kinailangan pang humabol mula sa 39-45 na pagkalugmok sa halftime.

Kumapit ng husto ang Altas matapos ipasok ni Laurenz Victoria ang tres na may walong segundong nalalabi upang maging isa na lang ang kanilang lamang, 79-78. Binigyan agad ng foul si Charcos at ipinasok ang unang free throw at kahit mintis ang pangalawa, nakuha ni Jefher Egan ang rebound, sabay tunog ng buzzer.

Nagtapos na may 16 puntos, 8 rebounds at 5 assists si Charcos na nasa kanyang huling taon ng pag-aaral. Namuno para sa Altas si Rey Anthony Peralta na may 20 puntos at nag-ambag ng 10 si Jielo Razon. “Sinabi ko sa mga player, bago magsimula ang taon, na ipakita nila na karapat-dapat na mapili sila para sa team at hindi nagkamali ang coach nila,” wika ni Coach Frankie Lim. “Mahirap tumbasan ang nawalang 20 puntos at 20 rebounds ni Prince Eze, kaya kung kasama ka sa team ay dapat may maambag ka.”

Sa unang laro, bumuo ng sapat na kalamangan ang College of St. Benilde upang mapigil ang paghabol ng Emilio Aguinaldo College at magwagi, 69-66. Uminit ng maaga sina Jimboy Pasturan at Justin Gutang para masimulan ng positibo ang kampanya ng Blazers.

Nagbuhos ng pinagsamang 22 puntos ang dalawa upang itulak ang CSB sa 37-23 na lamang sa first half. Humabol ang Generals, salamat kina John Paul Maguliano at Jethro Mendoza, pero nabitin pa rin ang EAC.

Nanguna para sa Blazers si Pasturan na may 19 puntos. Sinundan siya ni Gutang na may 17 points at 12 rebounds. Samantala, sa Juniors Division, panalo ang La Salle Green Hills sa ICA-EAC, 72-68, ngunit, pinabagsak ng Perpetual Help ang defending champion Mapua, 76-62.

Nagsimula ang aksiyon sa Juniors noong Lunes, kung saan nagtala ng panalo ang San Beda University sa Arellano, 69-67, at Lyceum-Cavite sa Letran, 74-64.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page