Tanod, tiklo sa baril at pananakot

KALABOSO ang isang barangay tanod matapos ireklamo ng pananakot at panunutok ng baril sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao ang naarestong suspek na si Ronald Roxas alyas RR, 34, tanod ng Bgy. Tonsuya na nahaharap sa kasong threat at paglabag sa R.A 10591 habang pinaghahanap ang kasama nitong si alyas Abet.
Sa pahayag sa pulisya ng biktimang si Michael Paguia, 32, sailing installer, alas-6:45 ng gabi, nakaupo siya sa kanyang motorsiklo sa Blk. 4, Kadima, Bgy. Tonsuya nang sumulpot ang mga suspek at sa hindi malamang dahilan ay inundayan siya ng saksak ni ‘Abet’. Nagawang makailag ni Paguia subalit, itinulak ito ni Roxas sabay naglabas ng baril sa kanyang sling bag saka pinagbantaan ang biktima.
Humingi ng tulong ang biktima sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto kay Roxas at narekober sa kanya ang cal. .38 revolver na kargado ng limang bala.





Comments