Shoutout sa mga bagong miyembro! Modus-operandi ng mga balasubas na MTPB enforcer, ‘wag nang ulitin!
- BULGAR

- Jul 9, 2019
- 1 min read
“NO TO KOTONG”. Ito ang nakaimprenta sa uniporme ng bagong mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) mula nang umupo sa puwesto si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Bilang ama ng lungsod, nananawagan ang inyong lingkod na sana, huwag tularan ng mga bagong enforcer ni mayor ang raket ng dating masisibang traffic enforcers sa Manila City Hall malapit sa Lagusnilad Underpass, ang hindi pagmamantina ng daloy ng trapiko kundi ang pag-aabang ng mga magkakamaling motorista sa lugar.
Ang ginagawang modus ng mga hinayupak na traffic enforcer noon ay ang magtatago sa mga malalagong halaman o puno saka lilitaw kapag may motoristang nagkamali ay saka nila paparahin at titiketan o kokotongan, pwe!
Noon, ang raket pa ng mga balasubas na traffic enforcer ay nagkukumpul-kumpol sila sa malililim na lugar kung saan mas prayoridad nila ang magkuwentuhan imbes na pagsasaayos ng daloy ng trapiko ang ginagawa.
Sana, bigyan ni Mayor Isko ng ultimatum ang kanyang mga traffic enforcer ngayon na gawin nila ang mga nakasulat sa kanilang uniporme na “No to Kotong” para matuwa ang Manileño na may gobyerno na sa Lungsod ng Maynila.
Sana, hindi maging carbon copy o ningas-kugon lamang ang mga ipinatutupad na batas ni Mayor Isko na maging kakaiba ang pamumuno nito na matagal nang inaasam-asam ng Manileño.
Babantayan natin kung kayang panindigan ng mga bagong miyembro ng MTPB ang mga katagang “No to Kotong” para bumilib, magtiwala at mapa-wow ang publiko sa pamumuno ni Mayor Isko.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments