Sapat na sahod para sa mga guro, panahon na para ihalintulad sa ibang bansa


WALANG nanguna sa listahan ng paglalarawan sa trabaho ng mga guro kundi ang kanilang dedikasyon at sakripisyo sa pagtuturo. Sila ay nagsisilbing kaibigan, tagapayo at tumatayong pangalawang magulang sa mga mag-aaral.
Gaanuman kahirap dahil sa tambak at sabay-sabay na trabaho, siguradong kinakaya nila ito mapagtagumpayan lamang ang misyon sa pagtuturo.
Ang tagumpay natin at lahat ng mga nakapagtatapos ng pag-aaral ay tagumpay din ng mga magigiting na guro.
Dahil dito, karapat-dapat na masuklian ng karampatang kompensasyon at benepisyo ang mga guro. Kaya naman, isa sa pangunahing isinumiteng panukalang-batas ng inyong lingkod ay ang Senate Bill No. 178 o “An Act Increasing the Salary Grades of Teacher I to Teacher III.”
83 porsiyento ng kabuuang 889,700 empleyado ng Department of Education (DepEd) ay may items na Teacher I, II at III. Inihain natin ang nasabing panukala upang maitaas ang suweldo ng mga public school teacher sa elementarya at high school mula Salary Grades (SGs) 11, 12 at 13 sa SGs 13, 14 at 15.
Atin itong binigyang-prayoridad upang maging pantay ang Pilipinas sa karaniwang suweldo ng mga guro sa ating mga kalapit-bansa mula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ito ay ating ikinumpara sa mga standard salary rate ng mga bansang Brunei, Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam. Ayon sa ating ginawang pagsasaliksik, ang Pilipinas ay panlima sa pitong nasabing bansa na miyembro ng ASEAN.
Sa kasalukuyan, ang karaniwan o average na sahod ng mga guro sa Pilipinas kada taon, kabilang ang kanilang mga benepisyo ay $18,160; habang sa ASEAN naman ay $27,742.
Halagang $55,263 ang taunang teachers’ salary sa Brunei habang pinakamababa ang Vietnam na may $3, 877.
Kapag naisabatas na ang ating panukala, maitataas ang sahod ng mga guro kung saan magiging $21,547 na ito kada taon.
Ayon sa pang-apat na bahagi ng Salary Standardization Law, nakasaad sa panukala na itataas mula P20,754 ay magiging P25, 232 ang sahod ng mga Teacher I, buwan-buwan. Ang mga Teacher II naman ay makatatanggap ng P27, 755 mula sa dating P22, 938 habang P30, 531 naman ang para sa Teacher III, mula sa sahod na P25, 232.
Hindi rin maikakaila ang kakulangan sa take-home pay base sa karamihan sa public school teachers kaya sila ay nababaon sa pagkakautang mula sa mga loan ngunit, hindi na kailangan pang maging ganito ang sitwasyon kung mayroon lamang silang sapat na kinikita.
Malaki ang gampanin ng mga guro pagdating sa kaunlaran at progreso ng ating bayan. Kaya naman, tulad ng mga pulis at sundalo, mahalagang sila ay mabigyan at makatanggap ng kompensasyon na karapat-dapat para sa kanilang ibinibigay na puso para sa trabaho.
Kaisa tayo sa adhikaing ito. Dahil dito, umaasa tayong sa lalong madaling panahon, sapat na ang kanilang natatanggap na sahod.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments