Pakitang-gilas ng mga bagong halal na opisyal, ‘wag sa umpisa lang!
- BULGAR

- Jul 9, 2019
- 2 min read
HUWAG ningas-kugon o sa umpisa lang nagpapakitang-gilas. Ito ang sinasabi ng marami na sana ay hindi mangyari sa mga bagong halal na opisyal, partikular ang mga nagagawa ngayon ni Mayor Isko Moreno sa Maynila kabilang ang paglilinis sa ilang kalsada sa Maynila na noon ay sakal na sakal ng mga tindahan; pagpapagiba sa gawa-gawang barangay hall sa Ongpin na bodega lang pala; pagpapahatak sa firetruck na nakaparada sa lugar na sagabal sa trapik at maraming pang iba.
Ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, sana, maipagpatuloy ni Mayor Isko ang kanyang ginagawa o huwag siyang magpakain sa sistema ng maruming politika. Maraming ganyan, marami ang naliligaw ng landas habang tumatagal sa serbisyo. Maraming pulitiko at opisyal ng gobyerno ang hindi makatanggi sa mapang-akit na pera at kapangyarihan.
Samantala, ayon kay Mayor Isko, kung bumalik daw ang mga tindero sa mga kalsadang nalinis na, malamang, malinaw na tumanggap na siya ng suhol o “lagay” mula sa mga ito. Paniguradong ito ang babantayan ng publiko.
◘◘◘
Isinapubliko ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority (PCG-Marina) at ang rekomendasyon ay magsampa ng kaso laban sa Chinese vessel na nang-hit-and-run sa bangkang-pangisda ng mga Pinoy noong June 9, nangyari ang insidente sa mismong Exclusive Economic Zone (EEZ) ng ating bansa.
Unang nagpahayag si DFA Sec. Teodoro “Teddyboy” Locsin, Jr. na ang resulta ng imbestigasyon ay hindi nagpinta ng “magandang larawan” sa 22 mangingisdang Pinoy, pero nang ilabas ang kabuuan ng resulta, iginiit na hindi maliit na bagay ang naganap dahil lumubog ang bangkang-pangisda at nalagay sa peligro ang buhay ng ating mga kababayan, hindi ito “little maritime accident” lang.
Malaki ang pananagutan ng Chinese vessel, malinaw ang ‘pambabangga’, pagpatay sa ilaw at kanilang pag-alis. Inalam daw na may nabangga, sabay layas at hindi man lang inalam ang kalagayan ng mga tauhan ng nabanggang bangka. Sinadya man o hindi, hindi ito natukoy ng imbestigasyon, bagay na ikinadismaya ni Sen. Lacson.
Dapat ay malaking bahagi ito sa imbestigasyon, ang pag-iwan sa mga tauhan ng lumubog na bangka ay malaking paglabag sa UN Convention on the Law of the Sea at International Convention for the Safety of Life at Sea. Sinita rin ng imbestigasyon ang mga pagkukulang ng mga mangingisdang Pinoy, karamihan ay dokumentasyon at lisensiya ng mga tauhan pati na rin sa masyadong maraming nakasakay sa bangka at kawalan ng lookout, pero ang mga pagkukulang na ito ay maliit lang kumpara sa mga hindi katanggap-tanggap na ginawa ng mga Tsino.





Comments