BABAWI NA LANG SA PATRIOT’S CUP NANG TALUNIN NG SLOVENIA

UMUWI muli ang Pasig Chooks na walang dalang pasalubong galing sa FIBA 3X3 Challenger sa Poitiers, France. Nalasap ng numero unong Pilipinong koponan na sina Dylan Ababou, Taylor Statham, Joshua Munzon at Nikola Pavlovic ang isang mapait na talo sa kamay ng Kranj ng Slovenia sa quarterfinals, 22-11, matapos tawagan ng sobrang daming fouls ng mga referee.
Ipinasok ng Pasig ang unang puntos ng laban, ngunit mula roon ay mga Slovenian ang nagdikta ng kurso ng mga pangyayari sa likod nina Igor Tratnik at Mensud Julevic. Napako ang Pasig sa 11 puntos at ibinuhos ng Kranj ang huling walong puntos upang mapigil ang laro na may 2:10 sa orasan.
Kahit bigo, ipinakita ng mga Pinoy sa Pransiya ang pag-angat sa laban kumpara sa nilaro nila sa mga Challenger sa Kunshan, Tsina at Moscow, Rusya sa mga nakaraang buwan kung saan natalo sila sa lahat ng laro at hindi nakapasok sa quarterfinals. Sinimulan nila ang kampanya sa isang nakagaganang tagumpay sa Lyon Blacklist ng Pransiya sa overtime, 22-20, naging sapat para tumuloy sa quarterfinals kahit natalo sa Lausanne ng Switzerland sa isa pang laban, 17-22.
Babalik ang Pasig Chooks sa pagiging Gold’s Gym-Pasig at maghahanda na para sa ika-apat na yugto ng Chooks-to-Go Pilipinas 3X3 Patriot’s Cup sa Sabado (Hulyo 13) sa SM Megamall. Ito na ang huling torneo bago ang grand finals sa Hulyo 27 sa parehong lugar kung saan malalaman kung kanino mapupunta ang tumataginting na isang milyong papremyo.
Sa ngayon, nasa ika-33 ang Pilipinas sa FIBA 3X3 na may 5,422,282 puntos at kailangan umabot sa pang-24 o mas mataas bago mag-Nobyembre para mabigyan pa ng pagkakataong maglaro sa Olympic qualifying tournament sa susunod na taon.
Ang Belarus ang nasa 24th place sa ngayon na may 6,787,340 puntos at ito ay nagbabago araw-araw depende sa rami ng naglalaro ng 3X3 na nakatala sa website ng FIBA. Ang Serbia (35,391,650), Rusya (29,689,750) at Tsina (21,150,220) ang tatlong pinakamataas sa buong mundo.





Comments