top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

MARCELINO TWINS, UMANGAT SA PIRATES; SAN BEDA, BIDA

A. Servinio
Jul 8, 2019
2 min read

NAGLABAS muli ng kanilang magic ang magkapatid na Jaycee at Jayvee Marcelino upang ibigay sa Lyceum of the Philippines University ang panalo laban sa Colegio de San Juan de Letran, 84-80, sa pagbubukas ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa SM Mall of Asia Arena noong Sabado. Ibinuhos ng kambal ang 16 ng 20 puntos ng Pirates sa huling quarter para simulan ng positibo ang kanilang kampanya patungo sa unang kampeonato ng paaralan sa pinakamatandang ligang kolehiyo sa bansa.

Winasak ni Jaycee ang huling tabla ng laro, 77-77, sa pamamagitan ng three-point play galing sa ika-lima at huling foul ni Larry Muyang na may 1:22 nalalabi, 80-77. Naagaw ng LPU ang bola at dinagdagan ni Jaycee ang kanilang lamang, 82-77. Lumapit muli ang Knights sa tres ni Edson Batiller, 80-82. May pagkakataon ang Letran na maagaw ang panalo pero nanaig ang depensa ng LPU at nagresulta ito ng layup ni Jayvee sabay ubos ng oras. “Iba talaga ang enerhiya na dala ng Marcelino brothers sa laro,” wika ni Coach Topex Robinson na pinuri rin ang laro ng kanilang kapitan na si Reymar Caduyac. “Kami na yata ang pinakamaliit na koponan ngayon sa NCAA kaya gagamitin namin ang aming bilis.”

Nagtapos si Jaycee na may 24 puntos, anim na rebound, limang assists at tatlong agaw habang 18 puntos ang ginawa ni Jayvee na may anim na rebounds. Sinundan sila ni Caduyac na may 16 puntos at limang rebounds.

Namuno para sa Letran si Jerrick Balanza na may 19 puntos, apat na rebounds at limang assists. Nag-ambag ng 14 puntos at anim na rebounds si Muyang ngunit malaking bagay ang maaga niyang pagkawala.

Sa pangalawang laro, uminit ang defending champion San Beda University sa second half upang pabagsakin ang season host Arellano University, 59-46. Isang puntos lang ang kalamangan ng Red Lions sa first half, 24-23, pero nagsama para magpasabog ng 16 puntos sina Donald Tankoua, James Canlas Kwekuteye at Evan Nelle sa 3rd quarter para tuluyang lumayo papasok ng 4th quarter, 42-35. “Donald is our best post player and he really wants to end his college career with a championship,” wika ni Coach Fernandez. ”James also played well in the second half despite foul trouble.”

Gumawa ng double-double si Tankoua na 13 puntos at 12 rebounds. Sinundan siya ni Canlas Kwekuteye na may 10 puntos at pitong rebounds.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page