top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Kaalaman tungkol sa condonation program ng SSS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 8, 2019
  • 3 min read

Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay dating may-ari ng gilingan ng palay sa Bulacan. Nagsara ang ricemill business ko halos tatlong taon na ang nakalilipas at mayroon akong hindi nahulugang kontribusyon ng aking 12 trabahador. Nabalitaan kong mayroong condonation program para sa mga employer ang SSS. Paano ba ito? — Ador ng San Miguel, Bulacan

Sagot

Para sa inyong katanungan, bunga ng pagsasabatas ng Republic Act 11199 o mas kilala sa tawag na Social Security Act of 2018, inilunsad ng SSS noong Marso ang condonation program para sa mga employer na tinawag na Contribution Penalty Condonation Program (CPCP). Ang pagbibigay ng condonation program sa mga employer ay isa sa mga probisyon ng bagong batas na sumasaklaw sa SSS.

Nais nating ipaalala na labag sa batas ang hindi pagbabayad ng employer ng kontribusyon ng kanyang mga manggagawa. Hahabulin ng SSS ang employer na hindi nagre-remit ng kontribusyon at pagbabayarin ng hindi niya naihulog na mga kontribusyon. Gayundin, papatawan ito ng 3% multa kada buwan na hindi siya nakapag-remit sa SSS. Tatlong porsiyento (3%) ang ipapataw sa kanila dahil ang hindi nila na-remit na kontribusyon ay nasasaklaw pa ng lumang batas ng SSS. Bukod dito, maaaring makulong ang nasabing employer ng hindi bababa sa anim na taon.

Subalit, nauunawaan ng SSS at mga mambabatas na may mga employer na nais magbayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado ngunit, nakaranas ng mahirap na pangyayari sa kanilang negosyo tulad ng pagkalugi o pagsasara ng negosyo. Dahil dito, inilunsad ng SSS ang CPCP upang tulungan ang mga employer na makabayad ng hindi nahulugang kontribusyon.

Sa ilalim ng CPCP, maaaring bayaran ng employer ang hindi niya nahulugang kontribusyon ng kanyang mga manggagawa at hindi siya sisingilin ng SSS ng anumang multa. Ibig sabihin, hindi na siya magbabayad ng 3% multa kada buwan ng hindi pagre-remit sa SSS.

Ang mga kuwalipikadong employer sa ilalim ng programang ito ay ang mga sumusunod:

  • mga hindi pa nakapagrehistro sa SSS kasama ang mga household employer;

  • mga may nakabimbin o naaprubahang proposal sa ilalim ng Installment Payment Scheme Program;

  • mga may nakabimbin o naaprubahang aplikasyon sa ilalim ng Program for Acceptance of Properties sa pamamagitan ng dacion en pago;

  • mga napan na ng Social Security Commission, korte o Office of the Prosecutor ngunit, hindi nakatutugon sa hatol sa kanya;

  • mga nakapagbayad na ng hindi nahulugang kontribusyon bago maipatupad ang Social Security Act of 2018 ngunit, hindi pa nabayaran ang multang ipinataw dito;

  • mga nabigyan na ng Warrant of Distraint/Levy/Garnishment (WDLG) o nabigyan na ng palugit.

Ang mga nagnanais mag-apply sa programa ay maaaring magsumite ng letter of intent o sulat na nagpapahayag ng pagnanais na mapabilang sa program sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Dapat maaprubahan ng sangay ng SSS bago bayaran ng buo ng employer ang hindi niya nahulugang kontribusyon. Kung installment ang nais ng employer, dapat siyang magsumite ng proposal at collection list sa SSS branch. Kailangan ding magsumite ng promissory note na nagsasaad na babayaran ang balanse ng delinquency sa pantay na halaga sa loob ng hindi hihigit sa 48 buwan kung saan ang unang buwanang bayad ay babayaran sa loob ng 30 araw mula sa petsa ng pag-apruba rito.

Nagsimulang tumanggap ang SSS ng aplikasyon mula sa mga employer noong Marso 5 at tatagal lamang ang programa hanggang Setyembre 1, 2019. Nais nating linawin na hindi mag-o-offer ng panibagong condonation program ang SSS para sa mga employer sa susunod na taon. Hinihikayat natin ang mga employer na mag-apply na sa programa. Ito na ang inyong pagkakataong makapagbayad at maayos ang inyong rekord sa SSS. Bukod dito, mapakikinabangan na ng inyong mga empleyado ang nakalaang benepisyo sa kanila.

Nais nating paalalahanan at himukin ang mga employer na mag-remit ng kontribusyon ng kanilang mga manggagawa upang maiwasan ang anumang usaping legal laban sa kanila.

Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page