top of page
Pokwang.jpg

Tungkulin ng mabuting lingkod-bayan, hindi natatapos sa panahon ng kampanya

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 7, 2019
2 min read

NAKILALA natin ang ilan sa mga naihalal sa iba’t ibang posisyon noong nakaraang halalan 2019. Kilala nating personal ang ilang senador, gobernador, kongresista at mayor. Hindi natin masa­sabing lahat ng mga nasa puwesto ngayon ay hindi mapagkakatiwalaan dahil marami silang nagawang katiwalian. Sa totoo lang, hindi lang ang indibidwal na pulitiko ang masisisi kundi ang mga sumusunod:

  1. Ang taumbayan na bumoto sa kanila;

  2. Ang Comelec na mara­mi sa taumbayan ay walang tiwala sa kanila;

  3. Ang Malacañang na tila may kakayahang gawin ang lahat para lang maipanalo ang kanilang mga kandidato at ipatalo ang kanilang mga kalaban;

  4. Ang iba’t ibang ins­ti­tusyon na dapat magbantay, magsalita, tumutol kung may anomalya o imoralidad na nangyayari tulad ng business, academe at Simbahan;

  5. Ang ilang taga-media na madalas ay malinaw na may pinapaboran;

  6. Ang ilang taga-showbiz na halata ang pagkiling sa sinumang makapangyarihan at mayamang nasa puwesto;

  7. Ang ilan sa liderato ng kapulisan at sanda­tahang-bayan na tila ibinenta ang kanilang prinsipyo na sa halip ipagtanggol ang taumbayan at bansa, kabaligtaran ang ginagawa;

  8. Ang marami sa gabi­nete ng pangulo na gagawin ang anuman, maipagtanggol at mapagtakpan lang ang mga pagkakamali at kapalpakan ng kanilang prinsipal;

  9. Kapag pinagsama-sama natin ang mga ito, makikita natin ang dambu­halang puwersa na hindi kayang banggain. Ang sistema at kultura ng politika sa ating bansa;

  10. Dagdag pa, ang panghihimasok ng ibang bansa dahil sa kanilang pansariling interes.

Paano ba mababago at mapatitino ang ating bansa? Bagama’t, may ilang dinas­tiyang natalo noong nakara­ang eleksiyon, nangangakong babalik sila at hindi malayong magawa nila ito. Kung titingnan natin ang listahan ng mga nanalo, sila ay pawang mga puno na hitik na hitik sa bunga, mga miyembro ng political dynasties.

Sa misa natin para sa nanalong kandidato, binig­yang-diin natin ang apat sa pangunahing gawain ng mga lingkod-bayan: Umupo, magmasid, maglakad at yumuko. Una, kailangang umupo ng lingkod-bayan, araw-araw. Kailangan niyang umupo sa harap ng Panginoon, hingin ang liwanag at lakas para malaman ang Kanyang banal na kalooban. Pangalawa, kailangan niyang magmasid, gamitin hindi lang ang mga mata kundi ang kanyang sentido para makita at mala­man ang tunay na nangyayari sa kanyang kapaligiran at tunay na pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan. Pangatlo, kailangan niyang maglakad. Hindi natatapos ang pangangampanya, kaila­ngan pa rin niyang mag-ikot at dumalaw sa kanyang mga kababayan at ang pang-apat, kailangan niyang yumuko. Kailangan niyang matutong maglingkod na may pagpa­pakumbaba. Maraming nasisilaw at nalulunod sa kapangyarihan at salaping ipinagkatiwala ng taumbayan at ng Panginoon sa kanila.

Matindi ang sistema ng politikang Pinoy ngunit, higit na makapangyarihan ang biyaya ng Diyos. Hindi impo­sibleng magbago ang mga lingkod-bayan na gawin ang napakasimpleng bagay na ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page