Pagbibigay ng libreng edukasyon para sa mga anak ng PDEA agents na nasawi, kasado na!

SA kabila ng kanilang matapang na pakikipagtulungan sa pamahalaan upang tuldukan ang paglanap ng iligal na droga sa bansa, hindi naiiwasan na mayroong napapahamak at sa kasamaang-palad, binabawian ng buhay.
Kung saan nakaaawa ang kanilang mga maiiwang pamilya, lalo na ang kanilang mga anak na maaaring mahirapang maitaguyod ang pag-aaral.
Kaya napakaganda ng napagkasunduan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Arellano University na magbibigay ng scholarship grants sa mga anak ng mga namamatay na anti-drug agents sa mga isinasagawang operasyon.
Gayunman, base sa memorandum of agreement, maaaring makapag-aral mula elementarya hanggang kolehiyo ang mga anak ng mga PDEA agent sa pitong Metro Manila campus ng naturang unibersidad na magsisimula ngayong taon hanggang 2023. Wow!
Sinabi ni PDEA Dir. General Aaron Aquino, sila ang magsusumite ng mga dokumento para patunayan na kuwalipikado na maging scholar ang bata.
Bagama’t, bibigyan sila ng oportunidad, marapat lamang na gawin din ng mga bata ang kanilang responsibilidad kung saan kailangan nilang mag-aral nang mabuti para mapanatili ang kanilang scholarship.
‘Ika nga, mahalaga ang edukasyon, kaya hangga’t may mga taong nagbibigay ng tulong, huwag itong sayangin, bagkus, pagyamanin!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments